Miyerkules, Mayo 26, 2021

Pangakong napapako

bakit nga ba kayraming pangako ang napapako?
di tinupad ng mahal ang sinumpaang pangako?
pangako ba ng pulitiko'y pagbabalatkayo?
na sa mga kampanyahan ay nagiging hunyango?

kaya nga ba pangako ay upang ipakong sadya?
na pinaglalaruan lang ang bawat sinalita?
sa Kartilya ng Katipunan ay nakalathala
anya: Sa taong may hiya, salita'y panunumpa!

kaya hirap magbitaw ng salita ang tulad ko
na kasapi ng isang samahang Katipunero
dahil sa gabay ng Kartilya'y nagpapakatao
dahil Kartilya'y sinasabuhay punto per punto

kaya ang bawat pangako'y katumbas ng dignidad
pag salita'y pinako, makasarili ang hangad
kaya puri't pagkatao'y sa putikan sinadsad
kalawanging puso't kawalang dangal mo'y nalantad

- gregoriovbituinjr.05.26.2021

Ang habilin sa dyip

ANG HABILIN SA DYIP

sa sinakyan kong dyip ay habilin sa pasahero
nakapaskil sa harapan: Bawal Manigarilyo
ayos lang sa akin, di ako nagbibisyo nito
lalo't kinikilalang patakarang ito'y wasto

World No Tobacco Day na sa katapusan ng buwan
ng Mayo't ganitong bilin ay kinakailangan
habiling huwag abusuhin ang baga't katawan
paalalang irespeto ang bawat karapatan

maraming nagyoyosing sa suliranin ay lugmok
at sa yosi'y nakakahiram ng ginhawang alok
maraming may hikang ayaw makaamoy ng usok
karapatan nilang huminga'y igalang, maarok

at sa katapusan ng Mayo bilang paghahanda
mga ekobrik at yosibrik ay aking ginawa
habang pinagninilayan ang lilikhaing tula
upang ipagdiwang ang araw nang hindi tulala

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa dyip niyang nasakyan, 05.26.2021

Pagtatasa sa bawat agam-agam

kailangan ding magtasa sa bawat agam-agam
upang alinsangan ay bakasakaling maparam
habang pinag-iisipan kung ano bang mainam
habang pinag-uusapan kung anong aming alam

upang maisagawa ang nararapat na plano
upang sa bawat karanasan ay may pagkatuto
upang nakalap na datos ay suriing totoo
upang nagkakaisa ng tono ang kolektibo

upang panlipunang hustisya'y makamit ng madla
upang bulok na sistema'y malabanan ng dukha
upang uring manggagawa'y pagkaisahing diwa
upang kamtin ang lipunang makatao't ginhawa

payak lamang naman ang layunin at adhikain:
pagsasamantala ng tao sa tao'y pawiin
pakikipagkapwa, panlipunang hustisya'y kamtin
magpakatao, karapatang pantao'y galangin

sa kumunoy man o sa mga putikan sasabak
ang mga tibak ay talagang may pusong busilak
nilalandas ang lansangang di basta tinatahak
upang lipunang makatao'y matayo't matiyak

- gregoriovbituinjr.05.26.21

Mga tula sa Unang Daigdigang Digma

MGA TULA SA UNANG DAIGDIGANG DIGMA

magpatuloy pa rin kitang kumatha ng kumatha
habang binabasa ang tula ng ibang makata
sa kasaysayan lalo na sa panahong may digma
ang yugto mang iyon ay ayaw nating masariwa

anong isiniwalat ng mga makatang iyon
sa digmaan at patayan sa kanilang panahon
inilahad nilang patula ang nangyari noon
datapwat ito'y hindi upang maging inspirasyon

na sa yugtong iyon may makatang inilarawan
ang kasawian, walang pagdiriwang sa digmaan
kundi pagluha sa pagkawala ng kasamahan
kundi himutok upang kamtin lang ang kalayaan

bakit dinaan sa digmaang kayraming nasawi
upang makuha ng mananakop ang minimithi
bakit kailangang may digmaang nagpapalungi
sa bansang imbes halik ay dugo ang pinadampi

Unang Daigdigang Digmaan ang isinatula
ng mga makatang saksi sa naganap na digma
na batayan din ng historyang nakakatulala
buti't tula nila'y nakita, di na mawawala

- gregoriovbituinjr.