Linggo, Nobyembre 16, 2008

Dahilan at Paraan

DAHILAN AT PARAAN
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayraming paraa’t dahilan
Ng gawaing ginagampanan
Pati sa mga katungkulan
Natin sa kapwa at sa bayan.
Ang palasak na kasabihan:
Pag ayaw, kayraming dahilan
Pag gusto, kayraming paraan.

Sugat sa Kalamnan

SUGAT SA KALAMNAN
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May sugat ang ating kalamnan
Sa buod ng ating katawan
Ito raw ang sakit ng bayan
Nagwawasak sa katauhan.
Tangi raw nitong kalunasan
Ay pagbabago ng lipunan
Upang gumaling ang kalamnan.

Piging ng Isang Sandali

PIGING NG ISANG SANDALI
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako'y siyang-siya sa piging
Nang sandali kang makapiling
Puso ko'y tila nagniningning
Anong ngalan mo, miss malambing?
At nang umalis ka sa piling
Puso ko'y parang inilibing
At tila napaslang sa piging.

Ugnayan ng Salapi

UGNAYAN NG SALAPI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Tawag sa takbo't ugnayan ng kwarta
Kung susuriin ay magkakaiba
"Pamasahe" sa dyip na pamasada
"Sukli" naman sa salaping sumobra

"Sweldo" ang bayad ng kapitalista
"Bale" ang sahod na hiniram muna
"Utang" naman pag nanghiram ng pera
"Renta" ang bayad sa nagpapaupa

"Tip" naman sa magandang serbidora
Sa estudyante nama'y "matrikula"
Kinita naman ng naglako'y "benta"
O kaya'y simpleng "bayad" sa tindera.

"Pantaya" naman doon sa karera
Sa balasador ay "tong" sa baraha
Sa kanto nama'y "atik" at "datung" pa
"Lagay" pag sa ilalim na ng mesa.

Ganito ang takbo ng ating pera
Palipat-lipat sa kamay ng iba
Magkano man ang halaga ng kwarta
Mahalaga'y tama ang iyong kwenta.

Mga Salitang Kurakot

MGA SALITANG KURAKOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Ayon sa "Corruptionary" na libro
Maraming ambag sa bokabularyo
Ito umanong gobyernong Arroyo
Atin ngang alamin ang ilan dito:

"Lagay" upang maayos ang aberya
At ang nag-aayos nito'y "eskoba"
Kay Balagtas, sila ang palamara
Bibilhin kahit ang puri ng kapwa.

Ang tawag sa perang suhol ay "gobya"
O kaya'y "tong", tulad ng sa baraha
"Kalabit-hingi" ang tawag sa iba
At "Ninoy" ang paboritong hingin pa

Abogado mo'y ang nakalarawan
Sa perang nasa pitaka mong tangan
Si Roxas yaong nasa isangdaan
Si Macapagal sa dalawangdaan

At ang salapi namang kalakihan
Ay si Ninoy naman sa limandaan
Ngunit may mas matitindi pa riyan
Ito'y kung milyones na ang usapan.

Kurakutan ay di lang barya-barya
Dinarambong ay milyones na pala
Kaya kung bokabularyo'y kulang pa
Ay tanungin mo rin si Jun Lozada.

(Ang librong "Corruptionary" ay inilunsad noong Abril 7, 2008.)

Sambahin ang Pera Mo

SAMBAHIN ANG PERA MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Sadyang makapangyarihan at hari
Itong tinatawag nating salapi
Kayang alipinin anumang lahi
At kawawain ang kalabang uri.

Bungkos lamang ito ng papel, di ba?
Ngunit naging makapangyarihan na
Mabibili man kahit kaluluwa
May bayad kahit puri ang ibenta.

Di ba't kawalan nito ang dahilan
Ng maraming sadlak sa kahirapan?
At kung walang salapi ang sinuman
Ay tiyak na aapihing tuluyan!

Kaya ito ngayon ang sinasamba
Ng mga pinuno, maging ng masa
Diyos ba ito ng kapitalista
At bathala ng mapagsamantala?

Dahilan din nitong kayraming gulo
Ay ang salaping diyos na sa mundo
Na bumubuhay sa kapitalismo
Pati sa mga tusong pulitiko.

Dahil sa salapi'y nagpapatayan
Magkapatid o magkamag-anak man
Basta't merong salapi'y tumatapang
Kongreso't husgado'y binabayaran.

Kung sakaling mabago na ang mundo
Kasama nating papawiin dito
Ay ang perang diyos-diyosang ito
Na mapang-api sa kayraming tao.

Kaibhan ng Bansa't Lipunan

KAIBHAN NG BANSA'T LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

Magkatumbas at iisa lang
Ito raw bansa at lipunan
Pareho raw ng kahulugan
Pagkat turo sa paaralan.

Ngunit ang ganitong akala
Kung susurii'y mali pala
Silang dalawa'y magkaiba
Mali ang turo sa eskwela.

Kung pakasusuriin lamang
Matatalos mo ang kaibhan
Di pareho ang katangian
Nitong bansa't nitong lipunan.

Lipunan pag iyong nilimi
Bumuo'y iba-ibang uri
Habang ang bansa pag sinuri
Binubuo ng isang lahi.

Ang pagiging magkababayan
Ay sadyang walang kinalaman
Sa sistema nitong lipunan
At sa loob ng pagawaan.

Di matawag ang bansang ito
Na lipunang kapitalismo
Kundi bansa ng Pilipino
Ang siyang tawag natin dito.