Miyerkules, Hunyo 29, 2016

Isa man akong simpleng bubuyog

ISA MAN AKONG SIMPLENG BUBUYOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

halimbawa ko ng tulang ismayling:

LALAKI

isa man akong simpleng bubuyog
abot langit ang aking pag-irog
sa iyo, rosas na maalindog
iwing puso'y sa iyo nahulog

rosas kang may nektar na malagkit
na nais tikmang paulit-ulit
bagay tayo, rosas kong kayrikit
paumanhin kung ako'y makulit

BABAE

kung bubuyog ka ng aking puso
salamat po sa iyong pagsuyo
ngunit ang pahayag mo'y kaylabo
pagkat sa nektar ko nakaturo

libog lang kaya ang iyong dama
pagkat nektar agad ang napuna
totoo ba ang iyong pagsinta
o nahihibang ka lang talaga

* ismayling = tradisyunal na tula na kinatatampukan ng isang babae at lalaki na nagsasagutan sa paraang mapanudyo at nagpapatawa, ayon sa UP Diksyunaryong Filipino, pahina 520