Sabado, Enero 13, 2024

Komyuter ako, ang laban ng tsuper ay laban ko!

KOMYUTER AKO, ANG LABAN NG TSUPER AY LABAN KO!

kaisa ako sa laban ng mga tsuper ng dyip
dyip na ang sinasakyan ko mula nang magkaisip
ngayon, balak nang i-phase out, dapat itong masagip
sa pakanang ito, komyuter na tulad ko'y hagip

tiyak, apektado ang pamilya ng mga tsuper
pati na libo-libo kundi man milyong kompyuter
lalo ang simpleng trabahador, waiter, writer, welder
dyip ang pangmasang transportasyon nina mother, father

tinawag na e-jeep ang minibus na ipapalit
sa madla, tawag na ito'y tinaguyod na pilit
may dahilan pala, e-jeep na ang iginigiit
upang tradisyunal na dyip ay mawala, kaylupit!

tila kapitalista ang talagang may pakana
imo-modernisa raw, kaya hindi mo halata
na sila palang kapitalista'y kikitang sadya
kapag tradisyunal na dyip na'y tuluyang nawala

kaya "NO to jeepney phase out" ay naging panawagan
ng tulad kong komyuter at ng kapwa mamamayan
dyip nating karamay sa hirap, saya't kakapusan
sasakyan ng dukha'y di dapat mawalang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa terminal ng dyip

Kolum na patula sa dyaryo


KOLUM NA PATULA SA DYARYO
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas kong nakikita sa pesbuk ang paglalathala ng kolum na patula ng isang katotong makata. Dahil pahayagang paglalawigan, tiyak na malaki ang naaabot niyon.

Subalit sa age of social media, nawawala na ang ibang pasulatan, o yaong nalilimbag sa papel. Kaya natutuwa ako sa katoto kong makatang si Glen Sales, isang guro, at kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society, sa lingguhang paglabas ng kanyang kolum na patula na pinamagatang DAGITAB sa pahayagang Laguna Courier. Dahil dito'y saludo ako kay kamakatang Glen Sales.

Lalo na't bihirang makata na ngayon ang nalalathala sa mga pahayagan at magasin, maliban sa magasing Liwayway na laging may itinatampok na tula. Hindi ko naman matandaan na ang pangalan ng dyaryo sa Bulacan na may kolum din na patula, na nababasa ko noon. Sa mga arawang pahayagan naman tulad ng Abante, Bulgar, Pang-Masa, Pilipino Star Ngayon, Remate, Sagad, atbp. bihira naman ang may kolum na patula. At bihira rin silang naglalathala ng tula.

Ako naman ay may pinagsusulatang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na nasimulan kong muli nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng KPML noong Setyembre 16, 2018. Ito'y nalalathala ng dalawang beses sa isang buwan. Una ko itong hinawakan at nilathala noong taon 2001 nang maging staff ng KPML hanggang Marso 2008 nang ako'y mawala sa KPML dahil di na nag-renew ang funder, na siyang dahilan kaya nakakapaglathala noon ng Taliba ng Maralita.

Dati ay may pahayagang Obrero mula taon 2003 hanggang 2010 ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) kung saan isa ako sa nagsusulat, at sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) mula 2011-2012 na pinagsusulatan ko rin, subalit wala na ang mga ito ngayon. Kaya malaking bagay sa akin na may pinagsusulatang pahayagang Taliba ng Maralita.

Ang unang sukat nito noon ay 8.5 x 11.5 o sukat ng short bond paper, walong pahina kada isyu, at naglalathala ng 1,000 kopya kada labas, mula sa isang printing company. Subalit ngayon, lumiit na ang Taliba ng Maralita, na ang sukat ay kalahati ng short bond paper, na may 20-pahina kada isyu. Subalit wala pang isandaang kopya bawat labas dahil na rin sa kakapusan ng salapi, at wala nang funder para sa proyektong ito. 

Tulad ng ibang pahayagan, nilalaman nito'y headline, editoryal, mga balita, kolum ng pangulo ng KPML, komiks, at mga pahayag ng KPML. Ang kaibahan lang, may pampanitikan dito tulad ng Liwayway, pagkat sa pahina 18-19 nito ay maikling kwento, at sa pahina 20 ang mga tula. Ang tatlong dulong pahinang iyon ang kumbaga'y kolum ko.

Nakakatuwa nga na minsan ay sinabihan ako ng pangulo ng aming organisasyon, na pulos tula daw ang sinusulat ko. Aba'y isang pahina lang ang tula, ah, at sa dulong pahina pa, subalit ito ang pumukaw sa kanyang isip.

Kung ang kamakatang Glen Sales ay may apat na beses na labas ng kolum na patula kada buwan, ako naman ay dalawang beses kada buwan. Kung ang kanyang dyaryo'y nasa sanlibong kopya kada labas, ang Taliba ng Maralita ay wala pang isandaang kopya kada labas.

Gayunpaman, kung walang Taliba ng Maralita, pakiramdam ko'y manunulat akong walang pinagsusulatan. Kaya taospusong pasasalamat sa Taliba ng Maralita sa paglalathala ng aking maikling kwento't mga tula sa bawat isyu nito.

Nais ko pa ring magsulat at malathala sa iba pang pahayagan, lalo na't malawak ang naaabot, hindi lang sa social media o sa internet. Iba pa rin talaga ang malathala ka sa pahayagan na iyong nahahawakan at nababasa. Ginawa ko nang misyon ang pagsusulat sa Taliba ng Maralita lalo na't ito na lang ang pinagsusulatan kong dyaryo.

01.13.2024

Tarang mag-tsaa

TARANG MAG-TSAA

mabuti sa katawan ang tsaa
sabi ng matatanda sa una
paborito ng mamay at lola
ano pa't pampasigla talaga

ito pa'y mahalagang inumin
upang di ka raw maging sakitin
gamot din daw sa pag-uulyanin
mga kalamnan pa'y ginigising

iniinom ko ito ng sapat
bago kumain at mag-uminat
nag-aalis ng bara sa ugat
iwas sa sobrang timbang o bigat

tarang mag-tsaa, tayo'y uminom
lumbay sa gunita'y maghihilom

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

Nagmamahal

NAGMAMAHAL

ay, nagmamahalan na ang presyo
ng bilihin, pati na Meralco
sibuyas, kamatis na bili ko
ay talagang mahal nang totoo

ay, mura pa rin kung tingi-tingi
magsasaka'y di sana malugi
masaganang ani nilang mithi
nawa'y kamtin, di maging lunggati

mamamakyaw, binibiling mura
mahal na pag kanilang binenta
kawawa tuloy ang magsasaka
ang nagtanim ay di sumagana

presyo man ay nagmahal nang lubos
sinong masisi pag kinakapos?

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024