Lunes, Disyembre 16, 2013

Paglilibot sa Canramos

PAGLILIBOT SA CANRAMOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

wala doong kuryente, mabuti't araw na araw
walang mabilhan ng load, langit ay bughaw na bughaw
katanghaliang-tapat ay dama ang pagkauhaw
habang di makatikim kahit mainit mang sabaw

nilibot muna ang nayong sadyang kalunos-lunos
lubak-lubak man ang ilang bahagi ng Canramos
napapatitig sa mukhang tila ba nauupos
napapatingin sa tahanang nilamon ng unos

pawang tulala pa rin silang mga nangabigla
sa bilis ng pangyayaring buhay na ang tinudla
tila ba paraiso iyong biglang isinumpa
ano't napoot sa kanila ang mga bathala

nagbago na nga ba ang klimang di maunawaan
paraisong iyon ba'y dapat tuluyang takasan
marami'y di mahagilap ang tamang kasagutan
sa kayraming tanong na pilit pinagninilayan

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa mga nadaanang nasalanta ng Yolanda sa Leyte

Mga sulat sa pader

MGA SULAT SA PADER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatitik ang petsa't pangalan ng nakaligtas
o marahil pangalan iyon ng mga nautas
nilang mahal sa buhay sa daigdig na di patas
tila uling ang panulat sa pader na kalatas

sa kaibutura'y sakbibi ng lumbay ang nayon
di maampat ang dugo ng mga pusong nilamon
ng unos na pinagyapos ng rumagasang alon
ang mga nilalang patungo sa Haring Poseidon

mga natitik sa pader ay may inihahain
mga nangawala'y huwag raw nating lilimutin
na ating paghandaan ang unos na sadyang tulin
kakayahang magtulong-tulong ay agarang gawin

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa mga nadaanang nasalanta ng Yolanda sa Leyte