Linggo, Hulyo 19, 2020

Inspirasyon ang sinabi ni Sofia Kovalevskaya

"It is impossible to be a mathematician without being a poet in soul." - Sofia Kovalevskaya (Feb 15, 1950 - Feb 10, 1991), Russian mathematician

sinabi nga noon ni Sof1a Kovalevskaya
na babaeng Rusong sa matematika'y kilala:
"Imposible ang maging paham sa matematika
kung di ka makata ng buong puso't kaluluwa."

ang kanyang sinabing ito'y nagsilbing inspirasyon
sa akin, makatang kumuha ng B.S. Math noon
at kaysarap tuloy balikan ang mga ekwasyon,
theorem, at iba pa sa pagdaan ng panahon

ilang dekada na ring mga tula'y kinakatha
inuunawa ang anuman, iba't ibang paksa
sinabi ni Kovalevskaya'y tumining sa diwa
kaya naritong matematika'y itinutula

tula't sanaysay sa matematika'y tututukan
titipunin ang mga akda sa munting aklatan
na balang araw ay maisaaklat kong tuluyan
at sa bagong henerasyon ay ibahagi naman

- gregbituinjr.

Pagluluto ng kampanilyang sili

namimigay ng libreng bell pepper sa nadaanan
kaya nang aming makita'y nanghingi ng iilan
namigay na iyon ay aming pinasalamatan
at pagdating ng bahay ay agad kong hinugasan

ang kampanilyang sili'y ginayat ko ng pahaba
at doon sa kawali'y ginisa ko sa mantika
pinalutong, aba'y anong sarap ng naihanda
sa tanghalian, linamnam nito'y nakamamangha

marahil sa kalusugan, ito'y makaganda rin
may bitamina't mineral din itong makakain
marahil, gawing pulutan sa inyong totomain
at mga buto nito'y mabuting iyong itanim

tikman mo rin itong ginisang kampanilyang sili
tiyak sa sarap nito'y di ka mag-aatubili
baka mapatula ka pa't maraming masasabi
ingat, baka sa busog mo'y makatulog sa tabi

- gregbituinjr.