Huwebes, Hulyo 20, 2017

Nilay at danas sa kumukulong diktadura

NILAY AT DANAS SA KUMUKULONG DIKTADURA

libu-libo'y pinaslang sa unang taon pa lamang
turing sa dukha'y ipis, buhay nila'y di ginalang
maginoong sukab na'y talipandas na nahirang
masa'y di maisip sa sariling dugo lulutang

animo'y isang sumpa sa bayan ng magigiting
na pati tusong pulitiko'y nagsipagbalimbing
inidolo'y dating diktador ng pinunong praning
na sa Libingan ng mga Bayani inilibing

mga sugapa'y maysakit ang diwa't kaluluwa
walang proseso't pagpaslang ba agad ang sentensya?
utos ng hari nang di mabali, nag-martial law na
ang lupang pangako'y nilason ng sukab at bomba

ang martial law'y gagawin pa nilang pambuong bansa
baka marami na namang matortyur, mangawala
nakababahala ngang tunay ang pinaggagawa
karapatang pantao'y sadyang binabalewala

hindi tulog ang bayan, naririto't nagtitipon
nakahanda sa pagharap sa panibagong hamon
di papayag mabalik ang bangungot ng kahapon
masa'y pipiglas sa pangil ng bagong panginoon

- gregbituinjr.

(nilikha para sa National Conference Against Dictatorship o NCAD na ginanap sa Benitez Hall, College of Education, UP Diliman, Hulyo 20-21, 2017)