SA AKING AMASONA (A Valentine's Day poem)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
nasaan ka man, muli't muling iibigin kita
trabaho man natin, aking giliw, ay magkaiba
maselan ang sa iyo, ako'y tula't propaganda
ngunit sa puso't diwa, kita'y laging magkasama
lakambini kitang sa gabi'y napapanagimpan
kailan tayo magkikita, mutya ng kariktan
umabot ba sa inyo ang polyeto't pahayagan
may tula ako roong inalay sa iyo lamang
magkikita kita sa pagitan ng rebolusyon
habang dinadaganan tayo ng globalisasyon
bulok na sistema'y sa manggagawa lumalamon
habang tayo, mahal ko'y patuloy na bumabangon
pagsinta mo'y dumadaloy sa aking mga ugat
na kung papatirin ay mamamatay akong sukat
ang presensya mo sa puso ko'y laging nasasalat
habang diwa ng masa't uri'y ating minumulat
nawa pagkikita nati'y tigib pa ng pag-ibig
labi'y sisiilin, kukulungin kita sa bisig
maligaya akong makasama ka't makaniig
habang tula't awit ko sa iyo'y iparirinig