Martes, Hulyo 10, 2012

Si Lean Alejandro, Magiting na Aktibista



SI LEAN ALEJANDRO, MAGITING NA AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dalawampu't limang taon na ang nakararaan
nang paslangin ng kung sino ang kilalang si Lean
hanggang ngayon di pa mahagilap ang katarungan
tila hustisya'y kay-ilap sa bayani ng bayan

si Lean, isang magiting na lider-estudyante
nangarap ng pagbabago, nagsimula sa U. P.
binaka yaong mga mali, kasama ni Lidy
nakibaka, nagtalumpati, sumama sa rali

kinausap ang masa, kinaibigan ang dukha
kasama sa bawat laban ng mga manggagawa
ipinagtanggol ang karapatan ng maralita
bayani ng masa pagkat ang masa'y kinalinga

aktibista siyang magiting, sa kapwa'y may puso
habang kinalaban niya ang sakim at maluho
ngunit ang bawat pagbaka sa sakripisyo'y puno
siya'y pinaslang, ang bayan ay nadilig ng dugo

gayunman, pasasalamat yaong bati ng bayan
sa kanyang ikalimampu't dalawang kaarawan
maraming salamat sa mga inambag mo, Lean
di ka nabigo, pagkat tinuloy namin ang laban

- Hulyo 10, 2012

Paglaya

PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"The struggle for freedom is the next best thing to actually being free." ~ Lean Alejandro

tigib sa gunita ang pag-asam ng kalayaan
kahit di napipiit ang diwa sa bilangguan
ngunit dapat lumaya ang isip, puso't katawan
mula sa kuko ng mapagsamantalang lipunan

sapupo ni Lean ang pag-asa't pakikibaka
kahalukipkip ang pag-ibig sa bayan at sinta
di magagapi ninuman ang layang ninanasa
kikilos at kikilos pa rin ang hiráp na masa

patuloy na itindig ang dangal ng kapwa't madla
patuloy na makibaka sa panahon ng sigwa
pagkilos tungo sa paglaya'y di dapat humupa
hanggang totohanang kamtin ang ganap na paglaya

tama nga ang sabi ni Lean, tunay na pagkilos
ang susi upang maharap ang nagbabadyang unos
upang totoong kalayaan ay makamtang lubos
at lumaya sa tanikala ng pagkabusabos