Huwebes, Disyembre 25, 2025

Hayaan n'yong magkwento ako

HAYAAN N'YONG MAGKWENTO AKO

hayaan n'yong magkwento ako sa bawat sandali
pagkat pagkukwento naman ay di minamadali
salaysay ng mga nangyari, dinanas at sanhi
hanggang itanong sa sarili, anong aking mithi?
bakit mga trapong kurakot masamâ ang budhi?

ang Paskong tuyó ba'y pagtitiis lamang sa tuyó
may letson nga subalit ang buhay ay nanunuyô
pagkat walâ na ang tanging pagsintang sinusuyò
kahit tahakin ko man ang ilaya hanggang hulô
di ko na batid kung paano tupdin ang pangakò

hayaan n'yong makathâ ko pa ang nobelang nais
upang kamtin ang asam na tagumpay na matamis
sa kabilâ ng mga naranasang pagtitiis
hanggang aking matipunong katawan ay numipis

- gregoriovbituinjr.
12.25.2025

Paskong tuyó

PASKONG TUYÓ

ano bang aasahan ng abang makatâ
sa panahong ipinagdiriwang ng madlâ
kundi magnilay at sa langit tumungangà
kahit nababatid ang samutsaring paksâ

tandâ ko pa ngayon si Heber Bartolome
noong buhay pa't nakakapunta pa kami
sa kanyang bahay, talakayan ay matindi
at may konsyertong Paskong Tuyó siya dati

ngayon, mag-isa akong nagpa-Paskong Tuyó
walâ na si misis, walâ nang sinusuyò
singkwenta pesos ang isang tumpok na tuyó
binili kahapon, kanina inilutò

minsan, tanong ko, sadyâ bang ganyan ang buhay
ako'y makatâ at kwentistang mapagnilay
tanging naisasagot ko'y magkakaugnay
habang patuloy pang nakikibakang tunay

- gregoriovbituinjr.
12.25.2025

Regalong isdâ sa tatlong pusang galâ

REGALONG ISDÂ SA TATLONG PUSANG GALÂ

sadyang ipinaglutò ko sila ng isdâ
upang madama rin ng mga pusang galâ
ang diwà ng ipinagdiriwang ng madlâ
bagamat Paskong tuyó ang dama kong sadyâ

sa panahong yuletido ay naririto
pa ring kumakathâ ng mga tula't kwento
wala pang pahinga ang makatang biyudo
buti't may mga pusang naging kong kasalo

ang isa'y inahing pusang may tatlong anak
ang dalawa'y magkapatid, nakagagalak
walâ si alagà, saan kayâ tumahak?
habang pusò nitong makata'y nagnanaknak

sige, mga pusang galâ, kayo'y kumain
kaunti man ang isdâ, ipagpaumanhin
basta nandyan kayo'y laging pakakainin
upang walang magutom isa man sa atin

- gregoriovbituinjr.
12.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/1693EHNwHx/