Sabado, Abril 16, 2016

Adobo't kanin ang handog sa amin

ADOBO'T KANIN ANG HANDOG SA AMIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tunay ngang itong adobo'y sikat nating pagkain
pagkat sa tinitigilan ay karaniwang hain
ng mga simbahan at ibang kumupkop sa amin
malasang adobo'y sadyang kaybilis lang lutuin

buti't sa unang araw, may sinaing na tulingan
aba'y kaysarap naman ng aming pananghalian
adobo'y kaysarap din, huwag lamang palagian
baka mapurga sa adobo't ito'y kaayawan

gayunman, maraming salamat, dahil may adobo
pampadagdag lakas sa aming tuhod at prinsipyo
sapagkat nakapanghihina ang gutom sa tao
kaya salamat po sa taospusong handog ninyo

- kinatha sa Cabuyao Town Plaza, madaling araw, Abril 16, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Kung walang tiyaga ay walang nilaga

KUNG WALANG TIYAGA AY WALANG NILAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"kung walang tiyaga ay walang nilaga", anila
salawikaing nagpapalakas sa magsasaka
upang lakarin ang Maynila mula Sariaya
sandaang kilometrong higit na lakarin nila

habang dumadaloy sa ugat ng kanilang binti
ang dugong bayani'y dama ang pagod nila't mithi
upang kasakiman ay di na makapaghahari
upang mabago na ang sistemang mapang-aglahi

kailangang magtiyaga upang kamtin ang tagumpay
sa pakikibaka, bawat isa'y magkaagapay
madarama mong adhika nila sa puso'y lantay
sa pagtitiyaga ay may nilagang naghihintay

nangyayari sa lupain nila'y nakagagalit
kanila na ang lupa'y tila may nais mang-ilit
kaya sa bawat hakbang nitong magsasaka'y bitbit
asam na nilaga nawa'y tunay nilang makamit

- sinulat sa munting bulwagan ng Sta. Rosa de Lima Parish sa Sta. Rosa, Laguna, Abril 16, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Salamat sa mga simbahang tumulong sa amin

SALAMAT SA MGA SIMBAHANG TUMULONG SA AMIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

salamat sa mga simbahang tumulong sa amin
silang nagpatuloy, nagpatulog, at nagpakain
tunay ngang mga handog ninyo'y kaysarap namnamin
di lang ng dila't tiyan kundi ng diwa't damdamin

salamat po sa inyong mga lingkod ng simbahan
laban ng magsasaka'y inyong nauunawaan
dalangin po ninyo para sa aming kaligtasan
sa lakbaying ito'y di po namin malilimutan

kami'y dumadalo sa misa kasama ang madla
magtagumpay sa adhika ang hiling kay Bathala
huwag mapaalis sa aming tinubuang lupa
at matiyak na buhay namin ay maging payapa

nawa sa lakbaying ito bayan ay mamumulat
nawa'y magtagumpay kami't makinabang ang lahat
kung sakaling pasasalamat na ito'y di sapat
ay muli't muling sasambitin: Salamat! Salamat!

- kinatha sa isang bulwagan na pinagpahingahan ng mga magsasaka sa Santa Rosa de Lima Parish, sa Santa Rosa, Laguna, Abril 16, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016