Miyerkules, Disyembre 24, 2025

Noche Buena ng isang biyudo

NOCHE BUENA NG ISANG BIYUDO

nagsalita ang D.T.I., atin daw pagkasyahin
iyang limang daang piso sa Noche Buena natin
maraming nagprotesta, huwag daw tayong ganyanin
habang kurakot ay bundat sa ninakaw sa atin

may Noche Buena Challenge, diyata't aking tinanggap
Noche Buena ng isang manunulat na mahirap
ang sinabi ba ng D.T.I. ay katanggap-tanggap?
sa bisperas ng Pasko, buhay ko'y aandap-andap

ang Noche Buena ko'y wala pang limandaang piso
unang Noche Buena ko ito mula mabiyudo
sa karinderya'y sisenta pesos ang tasang munggo
ang isang tumpok ng hipon ay isandaang piso

balot ng kamatis, tatlo ang laman, bente pesos
pati sibuyas na tatlo ang laman, bente pesos
santumpok ng anim na dalanghita, trenta pesos
isang pirasong mansanas, halaga'y trenta pesos

sampû ang santaling okra sa hipon inihalò
tatlong nilagang itlog na ang bawat isa'y sampû 
limampung piso naman ang isang tumpok na tuyó 
pitumpung piso pa ang Red Horse na nakalalangô 

limampung piso ang sangkilong Bachelor na bigas
Noche Buena iyan, iba pa ang agahan bukas
dahil nag-Noche Buena'y bálo, iyong mawawatas
walang limandaang piso ang gastos, di lumampas 

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

* DTI - Department of Trade and Industry

Pagbabasa't pagninilay

PAGBABASA'T PAGNINILAY

patuloy lang akong nagniniay
nagtatahi ng pala-palagay
magpa-Pasko subalit may lumbay
pagkat nag-iisa na sa buhay

abang makatâ sa kanyang kwarto
ay pinaligiran na ng libro
paksa'y pulitika, kuro-kuro
tulâ, saliksik, pabulâ, kwento

balik-balikan ang kasaysayan
ng daigdig, iba't ibang bayan
basahin pati na panitikan
ng katutubo't mga dayuhan

ganyan ang gawain ko tuwina
pag walang rali, magbasa-basa
at magsulat ng isyu ng masa
nang sistema'y baguhin na nila

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

Bantiláw

BANTILÁW

bihirang gamitin / ang lumang salitâ
sa panahon ngayon, / ngunit sa balità
sa dyaryo'y nabása / aba'y anong rikit
salitang "bantiláw" / sa isports ginamit

kayâ inalam ko / sa Diksiyonaryong
Adarna kung anong / kahulugan nito:
di sapat ang init / ng apoy sa kalan
upang makaluto / ng kanin at ulam

di rin daw masinop / ang pagkakagawâ
na kapag bantiláw, / madaling masirà
kumbaga, ginawa'y / di pala pulido
maiinis ka lang / pag ginamit ito

maraming salamat / at kalugod-lugod
wikang Filipino'y / naitataguyod
nang itong "bantiláw" / nabása sa ulat
may bagong salitang / sa atin nagmulat

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

* pamagat ng ulat sa isports ng pahayagang Bulgar: "Ancajas Nabantilaw ang Title Eliminator Dahil sa Injury", Disyembre 24, 2025, p.12

Nasa higaan ko si alagà

NASA HIGAAN KO SI ALAGÀ

kadarating ko lang galing pamamalengke
nang si alagà ay nakitang nasa katre
ayos lang, 'kako, sa akin agad tumabi
baka raw may uwing isda mulâ palengke

binidyuhan ko't siya'y aking kinausap
tilà pawis ko sa kama'y nilanghap-langhap
agad siyang pinababâ, aking pinagpag
ang higaan baka may balahibong lagas

salamat, alagà, bantay ka nitong bahay
kayâ mga daga'y di makalarong tunay
naririyan ka habang ako'y nagninilay
upang kumatha ng kwento, tula't sanaysay

ngayong Pasko, mga pusà ang kasama ko
sa Noche Buena'y sila ang aking kasalo
tig-isang pritong isdâ ang tanging regalo
habang Paskong tuyó naman ang aking Pasko

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/17e1KpKw5Y/