Biyernes, Marso 3, 2017

Aba kong dalit

ABA KONG DALIT

huwag mong pakialaman yaring aba kong dalit
ayokong masabi mong ako pala'y sakdal lupit
inasawa ko'y huwag guluhin, huwag makulit
upang matipa ko naman ang aking mga hirit

mula sa pusalian ay kayrami ko nang hugot
malalim pa ang hukay na di ko masuot-suot
maghintay sa putikan ay sadyang masalimuot
animo’y dilis ako sa pating ng pagkabagot

sige, barilin ako nang mawala nang tuluyan
ang buryong ng inyong lingkod sa dagat ng kawalan
di ko pa batid saan dadalhin ng kapalaran
kung sa tahimik na gulo o payapang digmaan

matagal nang nilalapastangan yaring makata
nitong mga maton sa pulutong ng isinumpa
habang ninanasa’y agnasin na ako ng lupa
nang wala nang pumuna sa gaya nilang kuhila

- gregbituinjr.

Ang batang mautad

Isa sa mga kahilingan sa akin upang makapasok sa ibang sangay ng literatura ang pagsusulat ng mga tula, sanaysay at kwentong pambata. Bakasakaling may entrada rito upang malathala at magkaroon ng kaunting salapi sa isang magasin, o kaya'y maisaaklat. Nariyan ang Aklat Adarna, at ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY). 

Kaya sinubukan ko muna ito sa tulang "Ang Batang Mautad". Ang mautad ay salitang Batangas sa batang nag-iinarte.

ANG BATANG MAUTAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Kautad ba ng batang are!" ang sabi ni insan
sa bugtong na anak na nag-iinarte na naman
habang inihahanda ang masarap na agahan
ngunit anak ay naghahanap ng ibang mauulam.

Tanong ko, "Ayaw maggulay, paano ka lulusog?"
bata'y mahilig maglaro, minsan kulang sa tulog
habang ang ama't ina sa kabukiran ay bugbog
"Halina't kumain na't mamaya tayo'y tutugtog."

Ngunit ang batang mautad ay panay pa ang iyak
marahil dahil bata pa't ang gusto'y di matiyak
ang hanap ay Chicken Joy, kaylayo pala ng utak
gayong ang laging kasama'y tutubi sa pinitak.

Naglulupagi sa silong, nadumihan ang damit
dahil di agad kamtin ang gusto'y namimilipit
tila baga may malignong nang-uuto sa paslit
na binubulong, iba'y mayroon, wala ka'y bakit

Sa malayong nayon ang mag-anak ay nakatira
nabubuhay ang buong pamilya sa pagsasaka
nagtatanim ng gulay, tulad ng talong at okra
sanay ang anak ngunit naghahanap pa ng iba.

Nais ng batang magkaroon kung ano ang wala
nais na ibili mo siya ng inaadhika
ang pag-iyak ay paraan lamang ng mga bata
nag--iinarte, ngunit tatahan din maya-maya

Marahil dahil sa patalastas sa telebisyon
na pinapakitang kaysarap ng pagkaing iyon
kaya nangangarap nito ang batang taganayon
na kahit minsan lamang ay makatikim din niyon

Kaya unawain din natin ang batang mautad
na nag-iinarte upang kamtin anumang hangad
minsan din tayong naging bata hanggang makitulad
sa kapwa't habang lumalaki'y nagsikap, umunlad.