wala nang personal ang makata, walang personal
sapagkat buong buhay niya'y pawang pulitikal
kaya pag tumula ng personal ay naduduwal
itong masang tumitingala sa makatang hangal
tula ng tula ng kalagayan ng sambayanan
tinutula papaano baguhin ang lipunan
ganitong katha ang nais basahin nitong bayan
di yaong personal na halos ay himutok naman
subalit makata'y tao ring may puso’t pandama
personal niyang nadarama ang dusa ng masa
nasusugatan din ang puso lalo't sumisinta
dahil kabilang siya sa masang puno ng dusa
may personal ding buhay ang makata, may personal
personal niyang tula'y di pawang tula ng hangal
- gregbituinjr.