Sabado, Disyembre 11, 2010

Manggagawa'y Kapanalig

MANGGAGAWA'Y KAPANALIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

masang manggagawa'y gawing kabig
at dalhin sila sa ating panig
upang kapitalismo'y malupig
at mga kaaway ay madaig

organisahin ang ating tinig
na pagbabago ang ating himig
at sosyalismo ang maririnig
pagkat dito tayo nakasandig

tayo dito'y di dapat manlamig
rebolusyon ang ating inibig
dito ang puso'y nangangaligkig
dito'y tumitipuno ang bisig

manggagawa'y ating kapanalig
halina't tayo'y magkapitbisig

Karapatan ng Dukha

KARAPATAN NG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino ang maysabing ang may karapatan lang
sa mundong ito'y pawang mayayaman lamang
tila ba wala sa sariling katinuan
ang nagsabing itong palagay ko'y mayaman

mayaman ang pwede sa mamahaling resto
ang mahihirap nama'y hanggang turo-turo
mayama'y pasakay-sakay ng eroplano
ang mahihirap nama'y tiis sa estribo

mayaman, tatlong beses kumain maghapon
mahirap, swerte na kung sila'y may malamon
mayayaman, natutulog sa Hotel Hilton
mahihirap, natutulog kahit kariton

mayama'y kayang tumakbong pagkapangulo
mahirap ay nuisance pag kumandidato
mayama'y kayang magbayad ng abogado
mahirap nama'y kulong agad pag may kaso

batang mayaman, nakatira na sa mansyon
batang mahirap, kaharap ay demolisyon
mayayama'y walang problemang maglimayon
mahihirap, swerte na kung may relokasyon

kaya may karapatan nga ba itong dukha
marahil kung ang bulok na sistema'y wala
may karapatan din ang mga maralita
sa bagong sistemang sosyalista ang diwa