Martes, Oktubre 21, 2014

Ang solar suitcase ni kasamang Albert

ANG SOLAR SUITCASE NI KASAMANG ALBERT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang solar suitcase ni kasamang Albert ay atraksyon 
na kanyang hila-hila sa paglalakad maghapon
minsan ang humihila niyon ay si kasamang Ron
minsan din ay pinahila niya sa akin iyon
ramdam ko'y lumakas, tila ni-recharge ako niyon

mabuti't yaong solar suitcase ay kanyang dinala
pagkat natataguyod ang solar na enerhiya
alternatibong kuryenteng sa araw kinukuha
renewable energy itong di usok ang dala
na kung gagamitin ng marami'y tulong sa masa

hila'y solar suitcase sa kilo-kilometrong lakad
kasabay ng Climate Walk na climate justice ang hangad
kung buti ng enerhiyang solar ay malalantad
enerhiya itong sa buong bansa'y mapapadpad
asahang kuryente'y mura kundi man walang bayad

paggamit ng solar na enerhiya'y ating gawin
saanman tayo tumungo, ito'y palaganapin
saanmang bayan, malinis na enerhiya'y kamtin
wala nang fossil fuels na kailangang sunugin
wala nang polusyon, madarama'y sariwang hangin

- Polangui, Albay, Oktubre 21, 2014

- maraming salamat kay kasamang Albert Lozada ng Greenpeace

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Anong klaseng daigdig ang ating iiwan sa kanila?

ANONG KLASENG DAIGDIG ANG ATING IIWAN SA KANILA?
ni Gregorio V Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

natutunaw na yelo, nasirang kalupaan
anong klaseng daigdig ang ating maiiwan
sa henerasyon ngayon, wasak na kagubatan
patay na karagatan, mininang kabundukan

paano ssasabihin sa ating mga apo
wala kaming ginawa noong bata pa ako
pulos kasiyahan lang nang magbinata ako
di kami nakialam sa nangyari sa mundo

mahalaga'y kumita ng malaking salapi
mga puno sa gubat ang siyang naging susi
pagmimina sa bundok ay malaking bahagi
sa pangangailangan ng malalaking suki

nang delubyo'y dumating, lahat ay nagpulasan
kanya-kanyang hanap na'y sariling kaligtasan
iba'y pinabayaan, di na nila malaman
paano lulutasin ang abang kalagayan

ganti ng kalikasan, patuloy ang emisyon
ng mga industriya't ang hangin ay nilason
animo ang daigdig ay napuno ng karbon
ang mga magaganda'y agad nitong nilamon

mag-isip-isip tayo, maruming daigdig ba?
sa ating mga apo'y marapat ipamana?
nagugulumihanan, tutunganga ka lang ba?
aba'y kaibigan ko, mag-isip-isip ka na!

- sa Joemalyn Bakeshop and Minimart, Brgy. Agos, Polangui, Albay, Oktubre 21, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda