Linggo, Agosto 18, 2019

Adhika

ADHIKA

tutong sa ilalim, hilaw sa ibabaw, ganyan ba
ang nais nilang mangyari sa tadhana ng masa
dapat kapangyarihan ng bayan, di ng burgesya
kumilos upang baguhin ang bulok na sistema
at proletaryadong adhika'y tiyaking imarka

- gregbituinjr.
* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2019, p. 20

Bakit kaytagal ko raw sa kubeta?

BAKIT KAYTAGAL KO RAW SA KUBETA?

tanong niya, bakit kaytagal ko raw sa kubeta
oo, kaytagal ko't higit isang oras na pala
doon kasi, ako'y tao kahit pansamantala
nagagawa ang maibigan, kahit magpantasya

mula sa kubeta, pag ikaw na'y agad lumabas
ang katotohanan na ng buhay ang mawawatas
maririnig mo na'y dahas at kayraming inutas
sa pamahalaan ay may tiwali't mandurugas

gayunpaman, sa kubeta'y kayrami kong nakatha
kahit walang tissue paper, naroong tumutula
habang gamit ang tabo, dumudumi'y may nalikha
mabaho man, kaysarap ilabas, O, aking mutya

bakit matagal sa kubeta'y huwag nang tanungin
itong mga katha ko na lang ang iyong basahin
tiyak nilikha ko'y anong bango pag sasamyuin
maging pinanghugas kong kamay ay iyong pisilin

- gregbituinjr.