di pa nagaganap ang kaginhawahan ng bayan
na adhika noon ng Supremo ng Katipunan
ngayon, muli akong nanunumpa ng katapatan
babaguhin ang bulok na sistema ng lipunan
- gregbituinjr.,12/25/2019
Miyerkules, Disyembre 25, 2019
Ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan
"Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan." ~ mula sa akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Gat Andres Bonifacio
ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan
ito ang prinsipyo ko't panata sa sambayanan
na dapat kong tupdin hanggang sa aking kamatayan
kumikilos para sa pagbabago ng lipunan
dapat kitang kumilos laban sa pambubusabos
dayuhan man at kababayang sanhi ng hikahos
dahil sa pagsasamantala, mga dukha'y kapos
suliranin ng masa'y dapat na nating matapos
dudurugin ang ugat ng maraming kaapihan
noon, sinasabing mga dayuhan ang kalaban
ngayon, sinuri ang problema nitong pamayanan
pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
pag-aralan ang lipunan, kausapin ang masa
at durugin ang sanhi ng hirap at pagdurusa
patuloy tayong mag-organisa, mag-organisa
at magsikilos nang kamtin ng bayan ang ginhawa
- gregbituinjr.,12/25/2019
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)