Huwebes, Agosto 8, 2024

Boxer Aira Villegas, Bronze medalist sa Paris Olympics

BOXER AIRA VILLEGAS, BRONZE MEDALIST SA PARIS OLYMPICS

sa unang Olympics mo, nagkatansong medalya ka
boxer Aira Villegas, pambihira ka talaga
ginawa mo ang lahat sa abot ng makakaya
subalit sa huling laban mo'y tinalo ka niya

ayos lang iyon, ngalan mo'y nakaukit na roon
sa pantyon ng mga kilalang boksingero doon
magaling ka, pagbutihin mo pa ang iyong misyon
pagkat marami ka pang laban at pagkakataon

di kami mauubusan ng pamuring salita
sa kagaya mong atletang buo ang puso't diwa
pasasalamat ngayong Buwan ng Wikang Pambansa
ang aming masasabi, inspirasyon ka't dakila

laban lang, ang pagkatalo mo'y huwag ikalumbay
ipagpatuloy mo lamang ang iyong paglalakbay
may gintong medalya pa ring sa iyo'y naghihintay
O, Aira Villegas, kami'y taos na nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abante at Pilipino Star Ngayon, Agosto 8, 2024

Paihi

PAIHI

ngayong Buwan ng Wikang Pambansa, tayo'y magsuri
ng mga salitang luma, bago, kapuri-puri
aba'y baka naman may salitang kamuhi-muhi
datapwat umuunlad naman ang wika palagi

sa balita'y may napansin ako, yaong 'PAIHI'
hinggil sa oil spill ng barko, amoy ba'y MAPANGHI
ipinaliwanag naman sa ulat ang 'PAIHI'
'you read between the lines' tila ginagawa PALAGI

ito raw ay langis ng malaking sasakyang dagat
nililipat sa mas maliit habang nasa dagat
upang sa pagbabayad ng buwis ay makaiwas
ngayon, langis sa dagat ay patuloy ang pagtagas

ayon sa ulat, tumaob ang MT Terranova
pati MTKR Jason Bradley ay lumubog pa
habang sumadsad sa baybayin ang MV Mirola
lahat sa Bataan ang pinangyarihang probinsya

may tagas ang tatlong sasakyang pandagat o barko
ngayon ay naglalabas daw ng libo-libong litro
ng gasolina sa Manila Bay, kaytindi nito
pangharang daw sa oil spill ay buhok daw ng tao

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Abante, Agosto 5, 2024

Binidyong paggisa

BINIDYONG PAGGISA

binidyuhan ko pa
ang aking paggisa
nais kong makuha
kung gawa'y tama ba

magsuri'y ganito
minsan binibidyo
gawa ba'y paano
paggisa ba'y wasto

ganyan ang ginawa
ng abang makata
parang kumakatha
ng tula at dula

nagpapasalamat
ang katawang payat
sapagkat nabundat
sa tanghaling tapat

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/tQ2LaklAyy

Ginisang kangkong

GINISANG KANGKONG

may natirang kangkong / si misis kagabi
ang dulong bahagi'y / matigas daw kasi
ayokong sayangin / at pinarti-parte
yaong tangkay upang / gisahing maigi

ibabasura na't / di ko na natiis
plano kong paggisa'y / di naman nagmintis
ang sahog ko'y bawang, / sibuyas, kamatis
tanghalian nitong / katawang manipis

maaari namang / itanim kong binhi
ang dulo ng kangkong, / magbakasakali
subalit naiba / ang isip ko't mithi
ginisa kong tunay / doon sa kawali

tara nang kumain, / ako'y saluhan n'yo
sa pananghaliang / luto kong totoo
kung sakali namang / mabubusog kayo
maraming salamat, / pinasaya ako

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

3,000 ektarya ng WPS, naangkin na ng China

3,000 EKTARYA NG WPS, NAANGKIN NA NG CHINA

isa iyong matinding balitang ating nakalap
tatlong libong ektarya natin ay naangking ganap
ng China, anong salitang iyong maaapuhap
pag ganyang balita'y nabasa mo, iyo bang tanggap?

ganyan daw kalaki ang inaangking teritoryo
ng China sa West Philippine Sea, gera na ba ito?
subalit ano nang gagawin ng ating gobyerno?
magpapadala ba roon ng pulis at sundalo?

Panganiban Reef, Mabini Reef, Subi Reef, sakop na
at pinagtayuan ng base militar ng Tsina
tatlo lang iyan, siyam ang EDCA ng Amerika
Pinas ay pinag-aagawan ng Oso't Agila

may kasaysayan ang Vietnam na dapat aralin
nang Pransya at Amerika ay kanilang talunin
mamamayan nila ang may misyon at adhikain
nang walang tulong ng dayuhan, na dayo'y gapiin

ganyan sana, sama-sama ang mamamayan, madla
na talunin ang U.S. at Tsina sa ating bansa
talunin din ang kababayang burgesya't kuhila
at itayo ang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Miyerkules, Agosto 7, 2024