Biyernes, Enero 15, 2010

Sila-sila na naman

SILA-SILA NA NAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sila raw ang bagong tagapagligtas
silang trapong bayan ang hinuhudas

silang galing sa pamilya ng trapo
pawang nag-aagawan na sa trono

sa pagbabago sila raw ang sugo
sa telebisyon panay ang pangako

sila-sila pa rin sa bayang ito
ngunit hirap pa rin itong bayan ko

sila pa rin ba ang dapat ihalal
nitong bayang kanilang sinasakal

ibagsak na natin ang mga trapo
at ibasura na ang mga gago

Panaghoy sa Guho

PANAGHOY SA GUHO
(Lindol sa Haiti)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nananaghoy ang tinig sa ilang
nang magsiguho ang kaunlaran
mga hikbi'y pumapailanlang
nananaghoy doon sa kawalan

gumuho'y mga gusali't tulay
pati yaong karaniwang bahay
lindol na kaylakas bumalatay
kaya kayraming tigib ng lumbay

bumaha na ang maraming luha
nang kanilang mahal ay nawala
mga pawang nilamon ng lupa
para bang natanggap nila'y sumpa

marami pang panaghoy sa guho
sagipin sila't huwag sumuko

Sutsot ni Ina


SUTSOT NI INA
ni greg bituin jr.

malayo ang kanto
na pinaglalaruan namin
meron yatang limampung metro
o sandaang metrong landasin
dahil ayaw naming maglaro
sa tapat ng bahay
baka makita ni ina
ay pauwiin kami agad
pagkat daanan ng dyip at kotse
ang sementadong daang laruan
ngunit sa isang sutsot lang ni ina
kahit nasa kalsadang nasa likod-bahay
agad kaming babalik ng pugad
agad kaming uuwi ng tahanan
dahil kilala namin si ina
dahil kilala namin ang sutsot ni ina
sutsot na nanunuot sa kalamnan
sutsot na sinturon ang katapat
pag di agad nakauwi
sutsot na senyales
upang maglinis na ng marusing na katawan
dahil sa magulong paglalayag
at pakikipagbuno
sa mga alikabok
ng aspaltadong lansangan