Lunes, Abril 20, 2020

Kainin mo na lang kaya ang basura mo

KAININ MO NA LANG KAYA ANG BASURA MO

"kainin mo na lang kaya ang basura mo
kung pagtatapon ay di mo kayang iwasto"
ito ang sabi ng isang galit na tao
na minsan pakinggan mo rin ang hibik nito

itapon mo kasi sa tamang basurahan
imbes ikalat ang basura mo kung saan
kumain ng mais sa loob ng sasakyan
itatapon mo ba saan ang busal niyan?

kaya mo bang kainin ang iyong basura
tulad ng kinain nitong isda sa sapa
na ating ikinalat kaya naglipana
sa kanal, sa dagat, sa ilog, kung saan pa

isdang kumain ng basura'y huhulihin
ibebenta, bibilhin, ating lulutuin
mga anak ay masayang ito'y kainin
ulam itong makabubusog din sa atin

sa ganyan natin kinakain ang basura
kaya yaong galit na tao'y tama pala
mauulit muli kung walang disiplina
kung wala kang sakit, baka magkasakit na

- gregbituinjr.

Di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy

Di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy

di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy
dahil tao'y may dignidad, kahit na nagngunguyngoy
di paaapi o pasisindak kahit palaboy
ang tao'y may dangal, kahit sanggol pang inuugoy

di tayo mga asong nangingilala kung sino
na pag sinabihang mangagat, mangangagat ito
tayo'y taong may isip, may dangal, alam ang wasto
di tayo asong bahag ang buntot sa trapo't gago

hayaan ang mga asong sa amo nila'y tapat
na kung nais kang ipakagat, ito'y mangangagat
tayo'y taong alam ang tama, may isip na mulat
batid ano ang hustisya't karapatan ng lahat.

- gregbituinjr.
04.20.2020

* PAYIPOY - paggalaw ng buntot, gaya ng sa aso, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, na inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 152

Singlakas pa ng kalabaw

SINGLAKAS PA NG KALABAW

isang taon na lang ako, nasa isip ko'y lahad
ganito na taun-taon, habang nagkakaedad
may iniinda mang sakit ay sikreto't di lantad
di naman ako nagpapa-check up dahil may bayad

malakas pa ako, malakas pa, ang laging isip
sakit na iniinda'y iiwan sa panaginip
singlakas ng kalabaw, sa rali nga'y di mahagip
ngunit ang manggagamot kaya'y anong nasisilip?

ayokong magpa-check up, ayokong magpaospital
sa pa-check up pa lang, magbabayad ka na ng mahal
check up ay mahal, gamot ay mahal, ako ba'y hangal
di pa Cuba ang palakad sa bansang ating mahal

kaya tama lang isipin kong ako'y malakas pa
at magagawa pang tumindig nitong akin, sinta
tulad ng kalabaw na nag-aararo tuwina
malakas pa't kunwari'y sakit ay di nadarama

- gregbituinjr.

Wastong gamit ng si, sina, sila at kina

Wastong gamit ng si, sina, sila at kina

sina Pedro, imbes na sila Pedro, ang gamitin
kina Ben, imbes na kila Ben, ang wastong sulatin
ang balarila'y unawain at aralin natin
wastong gamit ng mga salita'y ating linangin

ang pangmaramihan ng si ay sina, at di sila
dahil karugtong ng si ay pangalan, si at sina
ang sila ay panghalip, saan ba sila nagpunta
nagtungo sila kay Petra, nagpunta kina Petra

kina dahil marami ang naroon sa tahanan
nina Petra, kay Petra kung isa lang pinuntahan
direkta ang kay at ang kina ay pangmaramihan
at di rin kila kundi kina ang wastong paraan

payak kung uunawain ang balarilang ito
na kung aaralin, makakapagsulat ng wasto
lalo kung nagsusulat ka sa dyaryo o ng libro
aba'y magsulat ka na ng wasto, aming katoto

- gregbituinjr.

Ako'y mamamayan ng daigdig

AKO'Y MAMAMAYAN NG DAIGDIG

ako'y mamamayan ng daigdig
laging nakikipagkapitbisig
sa dukha't obrerong nilulupig
sila'y kasama kong mang-uusig
laban sa kuhilang mapanlupig

nakikiisa sa manggagawa
sa misyon nilang sadyang dakila
na bulok na sistema'y mawala
kaisa pati nagdaralita
itatayo'y lipunan ng madla

internasyunalismo ang taglay
adhika'y lipunang pantay-pantay
at mundong makatao ang pakay
proseso'y nirerespetong tunay
pati na karapatan at buhay

hangad ang panlipunang hustisya
mawala ang pagsasamantala
baguhin ang bulok na sistema
organisahing tunay ang masa
anumang bansa nanggaling sila

misyong may isusubo sa bibig
ang dalitang winalan ng tinig
sa pang-aapi'y di padadaig
dahilan ko'y dapat n'yong marinig:
ako'y mamamayan ng daigdig!

- gregbituinjr.
04.20.2020

* "Ako'y mamamayan ng daigdig" - ito ang plano kong gawing pamagat ng susunod kong aklat ng mga tula.

Basurang tinapon mo'y babalik sa iyo

Basurang tinapon mo'y babalik sa iyo

sa laot, tila ang mga isda'y nagpipiyesta
sa dami ng kinalat ng tao't ibinasura
upos ng sigarilyo, plastik, walang lamang lata
huhulihin ang isda't kakainin natin sila

paano na ang iyong kalusugan pag kinain
ang mga isdang kumain din ng basura natin
nagkatotoo ang kasabihang atin nang dinggin
basurang tinapon natin ay babalik sa atin

kinakain ng mga isda'y sangkaterbang plastik
na sa buong katawan nila'y talagang sumiksik
tama ba ang nangyaring ito, ngayon ka umimik
disiplina sa basura ngayon ang ating hibik

huwag nang magkalat, disiplinahin ang sarili
sa pagbukod ng basura'y huwag mag-atubili
gawin kung anong wasto, sabihin din sa katabi
para sa kalusugan mo at ng nakararami

- gregbituinjr.
04.20.2020