Linggo, Agosto 1, 2010

Samyo ng Amihan

SAMYO NG AMIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sumasamyo ang hanging amihan
tila ako'y kanyang hinahagkan
problema'y parang nalulunasan
para bang sagot sa kahirapan
ng natitigang na kalooban
dahil pulos pasakit ang ramdam
ng masang wala bang pakialam
sa mga nagaganap sa bayan

dumadampi ang hangin sa pisngi
habang ginugunita ang kasi
pati lipunan ay minumuni
bakit bayan ay walang masabi
bakit kapwa'y parang walang paki
sa sistemang dapat lang masisi
sapagkat ito'y bulag at bingi
tulad ng gobyernong walang silbi

Alon sa Aplaya

ALON SA APLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sasampal-sampal ang alon sa aplaya
tila kalupaa'y marahas na binibira
dili kaya naman buhangin ay sinisinta
ng along di malaman kung galit o kaysaya

tulad ng alon sa aplaya ang sambayanan
parang hinihiyaw sa madla'y pagbabago na
tila nilalaro ang buhangin ng kaysaya
o kaya'y nanggigigil sa poot sa aplaya

nangyuyugyog ang alon sa bulong ng amihan
at sa buhangin ay nais makipagyapusan
sinusuyo, ginagamot ang may karamdaman
nilulutas ang suliranin ng sambayanan