Martes, Pebrero 7, 2023

Nadalumat

NADALUMAT

para akong nasusunog sa maapoy na dagat
pag nasagkaan ang aking prinsipyo bilang mulat
tila ba iniihaw ang kabuuan ko't balat
pag nababalewala ang diwa kong nadalumat

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
sapagkat ugat ng kahirapan, nakamumuhi
ah, ayokong ibibilang sa naghaharing uri
sapagkat binabalewala ko ang minimithi

niyakap ko ang pagdaralita't buhay ng masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
kaming aktibistang Spartan ay iyan talaga
pag ako'y nagtaksil, noo ko'y lagyan na ng bala

dapat magkaroon ng makauring kamalayan
ang maralita, uring manggagawa, sambayanan
upang di iboto ang may dulot ng kaapihan
at pagsasamantala sa kawawa nating bayan

dapat nang magtulungan ang mga magkakauri
upang durugin ang tusong kanan at naghahari
iyang trapo, elitista, burgesya, hari, pari
na kapitalismo'y sinasamba nilang masidhi

makauring kamalayan ay itaguyod natin
dapat lipunang bulok ay palitan at baguhin
kamalayang makauri'y isabuhay, bigkasin
at lagutin ang tanikala ng pagkaalipin

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023

Pagsasatinig

PAGSASATINIG

nais kong bigyan ng tinig ang mga walang tinig
at ang mga matagal nang ninakawan ng tinig
nais kong isiwalat ang kanilang mga tindig
nang sila'y magkaisa't talagang magkapitbisig

kayraming winalan ng tinig pagkat mga dukha
na minamata ng mga matapobre't kuhila
kayraming nilapastangang turing ay hampaslupa
na pinagsasamantalahan dahil walang-wala

kaya ayokong mayroong pribadong pag-aari
na ugat ng kahirapan at ng mapang-aglahi
nais kong karapatan ay igalang ng masidhi
at kamtin ang hustisyang panlipunang minimithi

sinasatinig ko ang isyu ng nahihirapan
kamkam ng iilan ang kanilang pinaghirapan
na uring manggagawa'y pinagsasamantalahan
na dukha'y tinanggalan ng bahay at karapatan

ito ang gawa ng tulad kong abang manunulat:
isatinig ang buhay at danas ng nagsasalat
na may lipunang makataong dapat ipamulat
na may matinong sistemang dapat kamtin ng lahat 

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023

Paksa

PAKSA

saglit nakatitig sa kawalan
katulad ng malimit asahan
anong paksa ang napupusuan
na may mahahagod na katwiran

tinitingala pa rin ang langit
mga ibon ay nagsisiawit
anong paksa kayang madadagit
na sa atin ay ipinagkait

maisasalin kaya ang tula
ng mga lumad sa aking lungga
anong katangian ng salita
ang pag nabasa dama'y ginhawa

anong paksa kayang nararapat
nang matuwa pag binasang sukat
may inaalat, may nasasalat
lalo't madalas pinupulikat

may mga paksang mula sa puso
pag sa diwata na'y nanunuyo
may paksang di ka na marahuyo
pag lalamunan na'y nanunuyo

may paksang anong sarap ng lasa
kamatis, sibuyas, bawang, luya
may di mahahawakan - ideya
ugali, karapatan, hustisya

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023