Miyerkules, Abril 16, 2025

Bata, batay, bantay

BATA, BATAY, BANTAY

bata pa ako'y napag-aralan
sinong bayani't kabayanihan
kung saan kanilang pinaglaban
ang paglaya mula sa dayuhan

batay sa kasaysayan ng lahi
na kayraming bayaning nasawi
na paglaya ng bayan ang mithi
kalayaang dapat ipagwagi

kaya bantayan natin ang bansa
laban sa mga tuso't kuhila
tiyaking madla'y maging malaya
laban sa anumang pagbabanta

patuloy ang pagpapakasakit
sa masang ang buhay ay winaglit
patuloy tayong magmalasakit
upang ginhawa'y ating makamit

- gregoriovbituinjr.
04.16.2025

Pagbili ng gamot sa parmasiya

PAGBILI NG GAMOT SA PARMASIYA

madaling araw, may gamot na namang
binili sa pharmacy ng ospital
araw-gabi, maghahanap ng pera
upang may magastos pag kailangan

upang tuluyang gumaling si misis 
na naoperahan kamakailan
sa ulo't tiyan, abot hanggang langit 
samo kong gumaling siyang tuluyan

mahal ko, naririto lagi ako
upang pangalagaan kang totoo
gagawin ko lahat para sa iyo
ngunit sana'y dinggin ang aking samo

na sa karamdaman mo'y makaligtas
at sa problemang ito'y makaalpas

- gregoriovbituinjr.
04.16.2025

Nebulizer

NEBULIZER

animo'y ritwal ng pagpapausok
ang nebulizer sa bibig at ilong
sa paghinga'y pampaluwag ng daloy
at mapaunti ang plema sa loob

mula lima hanggang pitong minuto
subalit minsan pag may halong gamot
abot ng labindalawang minuto
tanong ko sa nars ay agad sinagot

may side effect daw ito: heart rate increase
subalit ito'y ilang saglit lamang
ngunit nebulizer ay dapat gawin 
kada anim na oras yaong ritwal

animo'y insenso subalit hindi
kundi siya'y mapalakas ang mithi
paggaling niya'y samo kong masidhi
labang ito sana'y maipagwagi

- gregoriovbituinjr.
04.16.2025