Miyerkules, Marso 9, 2022

Kuyom ang kaliwang kamao

KUYOM ANG KALIWANG KAMAO

tingnan mo't kuyom ang kanilang kaliwang kamao
tandang patuloy nilang pinaglalabang totoo
ang panlipunang hustisya't karapatang pantao
itama ang mga mali, iwasto ang proseso

kaliwang kamao para sa obrero't hustisya
di sila makakanang kampi sa trapo't burgesya
sila'y mga karaniwang taong lingkod ng masa
may simpleng pamumuhay, puspusang nakikibaka

kuyom ang kaliwang kamao, tapat manindigan
upang karapatang pantao'y talagang igalang
pawang matatalas magsuri sa isyung pambayan
para sa kagalingan ng mayoryang mamamayan

sa darating na halalan, may prinsipyo'y iboto
tandaan sina Leody de Guzman, Walden Bello
para sa pagkapangulo't ikalawang pangulo
senador: Espiritu, Cabonegro, D'Angelo

halina't magbigkis, kaliwang kamao'y itaas
upang durugin ang mapagsamantala't marahas
ito'y tanda ng katatagan at pagkapangahas
upang itayo ang pangarap na lipunang patas
upang itatag ang pangarap na magandang bukas

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022

Kaunlarang may hustisyang panlipunan

KAUNLARANG MAY HUSTISYANG PANLIPUNAN

nais kong kaunlaran ng bayan
ay ang may hustisyang panlipunan
at di nang-api ng kababayan
o nagsamantala sa sinuman

nais kong pag-unlad ay kasama
ang manggagawa't mayoryang masa
di pag-unlad lang ng elitista
di kaunlaran lang ng burgesya

pag-unlad bang kayraming tinayo
tulay na mahaba't malalayo
gusaling matatayog sa luho
subalit tao'y naghihingalo

dahil sa kahirapan ng buhay
buti pa ang pag-unlad ng tulay
kalakal ay nahatid na tunay
habang mga tao'y naglupasay

dahil sa gutom, karalitaan
iyan ba ang tamang kaunlaran
pag-unlad lang sa ilang mayaman
at dusa sa mayorya ng bayan

walang maiiwan kahit dukha
sa nais na pag-unlad ng bansa
kasama kahit na walang-wala
at may panlipunang hustisya nga

wastong pag-unlad, lahat kasama
tao muna ang dapat sistema
di negosyo lang at bahala na
sa buhay mong pulos pagdurusa

di makasariling kaunlaran
ang nais natin sa buong bayan
pagkat ang tunay na kaunlaran
ay ang may hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022

Ang landas na nais kong matahak

ANG LANDAS NA NAIS KONG MATAHAK

kung sakali mang ako'y apihin
ng sinumang gago'y didibdibin
sila'y tiyak kong kakalabanin
madugong landas man ang tahakin

dahil nais ko'y kapanatagan
ng isipan at ng kalooban
subalit akin nang nakagisnan
ang kabulukan sa ating bayan

ayos daw ang kontraktwalisasyon
para sa kapitalistang miron
ngunit sa obrero'y salot iyon
na dapat lang wakasan na ngayon

ayos lang daw yumaman ang trapo
malaki raw ang sahod ng tuso
ngunit walang pagpapakatao
serbisyo'y ginawa nang negosyo

ayos lang daw maapi ang dukha
kaya dapat daw silang mawala
basura raw sa mata ng madla
pangmamata na nila'y malala

karapatang pantao'y nawasak
tao'y pinagagapang sa lusak
kaya landas kong nais matahak
sistemang bulok ay maibagsak

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022

Si David D'Angelo noong Women's Day

SI DAVID D'ANGELO NOONG WOMEN'S DAY

makakalikasang pambato natin sa Senado
sa Araw ng Kababaihan kasamang dumalo
nagtalumpati sa Oriang si David D'Angelo
sa isyu ng klima'y nagpaliwanag pang totoo

sigaw niya: Mabuhay ang mga kababaihan!
binanggit ang magiting na si Gabriela Silang
nabanggit din si Bonifacio ngunit di si Oriang
tila di kilala, Lakambini ng Katipunan

gayunman, talumpati niya sa klima'y matindi
pag-init ng mundo'y baka umabot ng two degree
sa loob ng walong taon, na pag ito'y nangyari
pagtaas ng tubig-alat, tayo'y magiging saksi

nakadaupangpalad sa unang pagkakataon
kaya sa kanya ako'y nag-selfie rin naman doon
si David D'Angelo, senador nating may misyon
ating ipanalo sa Senado, magandang layon

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa nilahukang rali, Marso 8, 2022

Tayo Naman

TAYO NAMAN

"Pulitika ng mamamayan, hindi ng iilan!"
prinsipyadong adhikaing tangan ng mamamayan
"Bagong Botante, Bagong Pulitika! Tayo Naman!"
panawagang may buong tapat na paninindigan

wakasan ang PULITIKANG BUNTOT sa mga trapo
kung saan sasayaw lang sila'y agad mananalo
pati dinastiyang pulitikal, wakasan ito
serbisyong bayan ay di na dapat maging negosyo

wakasan ang lipas nang panahon ng paghahari
nitong trapo, elitista, burgesya, hari't pari
bulok na sistema nila'y di dapat manatili
uring manggagawa naman ang ating ipagwagi

"Manggagawa Naman!", "Tayo Naman" yaong mamuno
sa ating bansang ang hustisya'y dinilig ng dugo
sa tunggalian ng uri ay di tayo susuko!
tayo'y prinsipyado, basagin man ang ating bungo!

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali noong Women's Day