Linggo, Mayo 24, 2020

Paggawa ng yosibrik

isa ako sa baliw na ginagawa'y yosibrik
na upos ng iba'y pinupulot ko't sinisiksik
sa boteng plastik at gawing matigas na ekobrik
baliw na kung baliw, minsan nga utak ko'y tiwarik

tapat mo, linis mo, nakasaad sa karatula
basura mo, itapon mo, isa pang paalala
bawal manigarilyo, limang daang piso'y multa
kung di kayang maglinis, huwag magdumi, sabi pa

mula sa ekobrik, yosibrik na'y isang proyekto
at nasa antas pa lang ng pag-eeksperimento
mangongolekta muna ng upos ng ibang tao
pagkat ako naman ay di na naninigarilyo

kadiri, upos ng iba, iipunin, ang sabi
baka raw ako magkasakit, tulad daw ng tibi
subalit naglipana na itong upos ng yosi
ito'y tipunin, nang mawala sa laot o kalye

paggawa ng yosibrik ay ambag sa kalinisan
upang sa laot, ang upos ay di na maglutangan
di makain ng isda't balyena sa karagatan
tayo ba'y kakain ng isdang may upos sa tiyan?

masaya nang makatulong gaano man kaliit
sa kapaligiran, sa daigdig, sa munting paslit
halina't iugit ang bagong mundong walang sakit
tayo nang magyosibrik, huwag ka sanang magalit

- gregbituinjr.
05.24.2020

Kung nasa lockdown, sinong gagawa ng mga dyaryo?

kung nasa lockdown, sinong gagawa ng mga dyaryo?
kung may mamamahayag nga'y wala namang obrero
sinong maglilimbag, sa makina'y magpapatakbo?
kung di makapasok ang mga trabahador nito

sino pang bibili sa tindahan ng pahayagan?
kung ang tao'y di basta makalabas ng tahanan
mabuti't may radyo't telebisyong maaasahan
para sa mga huling balitang dapat malaman

kung labas mo'y lingguhan sa pagbili ng pagkain
dahil iyon ang iniskedyul sa barangay natin
sa arawang dyaryo'y tiyak isa lang ang bibilhin
at di pang-isang linggo, na di gaya ng magasin

lugi na ang paborito mong tabloyd, ano, pare?
pagkat di dyaryo, pagkain na lang ang binibili
kung may radyo't telebisyon, dyaryo pa'y anong silbi
ganito nga pag lockdown, anong iyong masasabi?

- gregbituinjr.

Anong dapat gawin sa panahon ng mga epal?

anong dapat gawin sa panahon ng mga epal?
silang laging pumapapel, umeepal ang kupal
upang pangalan nila'y umingay, upang mahalal
sa sunod na eleksyon gayong ito pa'y matagal

ganyan nga talaga kung umepal ang pulitiko
dahil sa layon nilang muli o baka maboto
kahit di pa kampanyahan, kanya-kanyang estilo
nangungunyapit kahit sa patalastas ang trapo

artista'y nais magpulitiko't dinggin ng masa
pulitiko'y nais mag-artista, ang saya-saya
nananalo ba dahil lang nagsayaw, nagpakwela
ngunit magbubutas lang ng bangko pag nahalal na?

sa panahon ng mga epal, huwag lang tumanghod
suriing mabuti sinong talagang maglilingkod
sa bayan, kapakanan ng masa'y itataguyod
di ang trapong itutulak tayo sa pagkalunod

- gregbituinjr.