Linggo, Mayo 19, 2024

May tatlong serbesa roon

MAY TATLONG SERBESA ROON

may tatlong serbesa pala roon
ayon ito sa app na Word Connect
tagay lang tayo pag may okasyon
katoto, kita muna'y bumarik

pulutan ma'y samplatitong mani
mahalaga'y magkakumustahan
sa tagay ay huwag magmadali
lalo na't masaya ang huntahan

tigisa't kalahating serbesa
kung iyon talaga'y hahatiin
ngunit magkwentuhan lang talaga
tatlong serbesa'y di naman bitin

maya-maya'y uwi na ng bahay
antok na lamang ang hinihintay

- gregoriovbituinjr.
05.19.2024

Makakatago pa ba?

MAKAKATAGO PA BA?

makakatago ba tayo kay Kamatayan
gayong lahat naman ng tao'y mamamatay
di lang batid kung paano, kailan, saan
ang mahalaga'y paano tayo nabuhay

kayrami nang mga nangamatay sa sakit
habang marami pa'y dahil sa aksidente
ang iba'y nakaranas ng pagmamalupit
kaya bumigay ang kalusugan, ang sabi

oras na ba talaga ng mga pinaslang?
gayong kaya nangamatay, sila'y inambus?
o ang naaksidente'y sa bangin nalaglag?
pagkat nawalan ng preno, tsuper ba'y tulog?

maaakyat kaya natin ang sampung bundok
masisisid ba natin ang laot ng dagat
upang takasan si Kamatayan sa tuktok
o sa kailalimang di ko madalumat

ika nila, kung oras mo na, oras mo na
di na ubra kay Kalawit ang patintero
wala ka nang mapagtataguan talaga
kay Kamatayan kung oras mo na sa mundo

- gregoriovbituinjr.
05.19.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Edad 15, ni-rape ng rider

EDAD 15, NI-RAPE NG RIDER

huwag basta magtitiwala
sa matatamis na salita
baka mapahamak na sadya
gawa ng haragang kuhila

ulat sa dyaryo, ang nangyari:
"Ni-rape ng rider, edad kinse"
rider na napakasalbahe
ang nang-rape sa batang babae

inalok daw ng libreng sakay
at pagkain pa'y ibinigay
ngunit malaon ay hinalay
ng rider yaong walang malay

babae'y iyan ang sinapit
sa rider na iyong kaylupit
hustisya'y dapat na makamit
rider ay dapat lang ipiit

- gregoriovbituinjr.
05.19.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, ika-19 ng Mayo, 2024, pahina 2

Tabak ang tula

TABAK ANG TULA

animo'y tabak ang tula
sa balat nakahihiwa
nakadudugo ng diwa
nakasusugat ng dila

armas iyang anong talim
laban sa burgesyang lagim
armas habang nasa dilim
ng sangkaterbang panimdim

armas ng makatang tibak
depensa ng hinahamak
ang nagniningas na tabak
ng salita at pinitak

bubunutin sa kaluban
ang tabak na hinasaan
para sa obrero't bayan
laban sa trapo't gahaman

- gregoriovbituinjr.
05.19.2024