Linggo, Hunyo 27, 2021

Kuyom pa rin ang nakataas na kaliwang kamao

KUYOM PA RIN ANG NAKATAAS NA KALIWANG KAMAO

patuloy pa ring nakakuyom ang aming kamao
lalo't pangarap pa lang ang lipunang makatao
sagana sa likas-yaman, hirap ang mga tao
mayaman ay ilan, dukha'y milyong milyong totoo

para sa pamilya, manggagawa'y kayod ng kayod
mga magsasaka'y nagtatanim at nagsusuyod
habang ekta-ektaryang lupa'y nilagyan ng bakod
habang ang laot sa plastik at upos nalulunod

pulos edukado'y namuno sa pamahalaan
subalit sa kahirapan ay walang kalutasan
dahil ayaw nilang tanggapin ang katotohanan
na pribadong pag-aari'y ugat ng kahirapan

patuloy pa ring kuyom ang kamaong nakataas
habang nangangarap pa rin ng lipunang parehas
pag-aralan ang lipunan bakit kayraming dahas
na ginagawa sa dukha't lipunan ay di patas

mapagsamantalang sistema'y dapat nang baguhin
ugat ng kahirapan ay dapat nang buwagin
manggagawa't maralita'y dapat organisahin
at lipunang makatao ang itatayo natin

- gregoriovbituinjr.
06.27.2021
* litratong kuha sa pagkilos noong Hunyo 12, 2021

Pananalasa ng bu-ang

PANANALASA NG BU-ANG

nanggigigil na sa galit ang mga tinatakot
sapagkat mahal nila'y pinaslang, nakalulungkot
may panahon ding babagsak ang pinunong kilabot
dahil sa mga atas nitong kahila-hilakbot

wakasan na ang tokhang na ang pasimuno'y bu-ang
na sa due process o wastong proseso'y walang galang
na sariling desisyon lang ang sa kanya'y matimbang
halal ng bayan ngunit isa palang mapanlinlang

siyang-siya sa dugo ng tinimbuwang na masa
habang nag-iiyakan ang kayraming mga ina
habang tayo'y nakikiisa at nakikibaka
upang kamtin ng masa ang panlipunang hustisya

ang masang galit ay talagang di na mapalagay
pananalasa ng bu-ang dapat pigilang tunay

- gregoriovbituinjr.
06.27.2021
* litratong kuha sa pagkilos noong Hunyo 12, 2021

Makipagkapitbisig sa kauri

patuloy nating ipaglaban kung ano ang tama
ipagtanggol ang bayan, magsasaka't manggagawa
ipagtanggol ang dukhang hampaslupa't maralita
laban sa sinumang mapagsamantalang kuhila

katulad nina Che Guevara at Ka Popoy Lagman
na tinuring na bayani ng mga kababayan
dahil sa inambag nilang talino't kakayahan
ngunit kapwa pinaslang dahil sa misyon sa bayan

di natin hahayaang tayo'y maging pipi't bingi
sa mga katiwalia't dahas na nangyayari
sa mga naganap na inhustisya sa marami
sa mga paglabag sa karapatang tayo'y saksi

tanungin bakit buhay ng dukha'y kalunos-lunos
bakit laksa'y dukha, iilan ay nakakaraos
pag may dinahas na kapwa, bakit dapat kumilos
pag puno na ang salop, bakit dapat kinakalos

samutsaring isyu ng bayan ay dapat marinig
sa kapwa ba o sa ginto ang puso'y pumipintig
kung pakikipagkapwa ang sa puso'y nananaig
sa mga dukha't obrero'y makipagkapitbisig

pagkat manggagawa't maralita'y iyong kauri
na kasangga mo upang ibagsak ang naghahari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
na dapat nating durugin upang di manatili

- gregoriovbituinjr.
06.27.2021