Sabado, Disyembre 16, 2023

Nang maglaho ang musa

NANG MAGLAHO ANG MUSA

nang magsindi ng ilaw ay agad naglaho
ang musa ng panitik na nirarahuyo
na kanina'y kaniig sa munti kong mundo

animo haraya'y inagaw ng liwanag
imahinasyong materyal man o baliwag
isang reyalidad na nakababagabag

kaulayaw ko pa ang musa ng panitik
habang sa kwaderno'y may isinasatitik
na mga salitang sa puso'y isiniksik

ibinubulong niya ang mga kataga
upang maisulat sa mga kinakatha
kong akda, sanaysay man o kwento o tula

dapithapon na kasi't magtatakipsilim
nang siya'y makaniig sa punong malilim
nang magliwanag tanda ng gabing madilim

na madalas mangyari habang nag-iisip
nagigising sa mahaba kong pagkaidlip
kailan siya babalik ay di ko lirip

o, bakit ang musa'y bigla na lang nawala
gayunman, salamat sa tiwala't salita
na sa akin ay ibinulong niyang kusa

- gregoriovbituinjr.
12.16.2023

Tula ko'y tulay

TULA KO'Y TULAY

tula'y kinakatha tuwina
madalas sa gabi't umaga
pagtula'y bisyo ko talaga
iyon ang aking kaluluwa

ang tula ko'y tulay sa tanan
kaya ako'y tulay din naman
tulay na aapak-apakan
at nagsisilbi ring dugtungan

ng magkalayong mga pulo
na kung walang balsa'y dadako
tulay din sa pagkakasundo
at sa mutyang pinipintuho

tula ko'y tulay at daanan
patungong sinta o digma man
tulay sa ating karapatan
at upang hustisya'y makamtan

tulay nang tao'y magkalapit
nang magkita ang magkapatid
mahaba man ito't maliit
mahalaga'y nakakatawid

tulay ay matulaing pook
kahit masaya man o lugmok
tula'y sa dibdib nakasuksok
na nasang iyon ay maarok

- gregoriovbituinjr.
12.16.2023

Tagilo (pyramid) at upaw (kalbo)

TAGILO (PYRAMID) AT UPAW (KALBO)

dalawang salita sa palaisipan
habang nagsasagot nito'y natagpuan
tagilo at upaw, bago o luma man
ay dapat aralin, ito'y matutunan

taal bang salita sa'ting bayan ito
tiyak na ang upaw ay lokal sa kalbo
ngunit ang pyramid, tawag ay tagilo
ito ba'y salitang sadyang inimbento?

magkagayunpaman, mabuti't nabatid
bagong kaalaman ang sa krosword hatid
na sa panulaa'y ating magagamit
sagutan ang krosword, huwag kang sisirit

mayroon daw upaw na nagpapalahaw
na nasa tagilo, at uhaw na uhaw
bakit nasa loob? anong hinihiyaw?
ha? nagpasaklolo't di na makagalaw?

- gregoriovbituinjr.
12.16.2023

* palaisipan mula sa Pilipino Star Ngayon, 12.15.2023; 1 Pababa; at 23 Pahalang
* matatagpuan din ang kahulugan ng tagilo at upaw  sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1202 at p. 1307, ayon sa pagkakasunod