Sabado, Pebrero 11, 2023

Sipnayan

SIPNAYAN

dapat pa ring di maging bantulot
sa aritmetika pag sumagot
at bakasakaling may mahugot
na iskemang sa diwa sumulpot

may numerong nakatagong sukat
kaya di maisiwa-siwalat
ngunit kung atin lang madalumat
ay parang babasaging may lamat

naririnig ko ang bawat hikbi
ng mga numerong inaglahi
di batid sila ba'y ngumingiti
sa kabila ng nadamang hapdi

ngunit sila ba'y numero lamang
gayong sipnayan ay nililinang
ang bilang nila'y di na mabilang
kapara'y gumagapang na langgam

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 11, 2023, pahina 7

Pagninilay

PAGNINILAY

kaytahimik ng kapaligiran
may punong walang kadahon-dahon
tila nasa malayong silangan
alapaap ay paalon-alon

buti't nababahaw na ang sugat
habang sa kawalan nakatingin
ninais ko nang maisiwalat
ang pangyayaring di pa mapansin

hanging sariwa ang dumadampi
sa pisngi ko't pangang naninigas
tila nawala ang damang hapdi
ng loob kong nais nang mag-aklas

tahimik ngunit di pa payapa
pagkat loob pa'y tigib ng luha

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023

Pagkalos

PAGKALOS

di man dalumat ang pangungusap
pagkat klima't sigwa ang kaharap
madadalumat din ang pangarap
kung pag-uusapan nating ganap

bakit patuloy ang pagdurusa
sa ating lipunan ng mayorya
wala bang magawa sa burgesya
at sa mga mapagsamantala

halina't dapat tayong magbuklod
upang pagbabago'y itaguyod
mag-usap, huwag basta susugod
mag-isip kung paano sasakyod

sa sistemang bulok na lumumpo
sa ating karapatang pantao;
maghanda sa pagsuong sa bagyo
at kalusin na ang mga tuso

na nagpapakabundat ngang sadya
sa binarat na lakas-paggawa
na di binabayaran ng tama
bundat silang talagang kuhila

dapat nang tayo'y magkapitbisig
at panawagan ay isatinig
upang ang mga tuso'y mausig
upang mga kuhila'y malupig

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023