Sabado, Pebrero 5, 2022

Pangarap

PANGARAP

diyata't muling nagkodakan
ang bagong magkakaibigan
di man sila nagtatawanan
subalit masasaya naman

tila usapan ay seryoso
nilang pawang magkakatoto
ano ba ang kanilang gusto
kundi pangarap ay matamo

ang pangarap lang nila'y simple
sa kapwa'y gawin ang mabuti
kung sakaling makadiskarte
ay hating kapatid sa karne

at pangarap ring naninilay
manahan sa mundong may saysay
isang lipunang matiwasay
at pagsasamahang matibay

- gregoriovbituinjr.
02.05.2022

* nag-selfie ang makatang gala sa isang painting sa Cubao

Naiibang paso

NAIIBANG PASO

balutan ng sauce ng ispagheti'y nagamit naman
nilagyan ng lupa, binhi'y binaon, pinagtamnan
ang munggong aking itinanim ay nagsilaguan
nagamit din ang plastik, ngunit di sa basurahan

minsan, dapat ding mag-inisyatiba ng ganito
lalo't nagkalat ang plastik na binasura ninyo
lalo't naglipana na ang microplastic sa mundo
lalo't naglutangan ang upos sa dagat, ay naku!

dahil nasa sementadong lungsod ako naroon
ang mga plastik na bote't lalagyan ay tinipon
bumili ng lupa't inilagay sa plastik iyon
binhi'y binaon, diniligan, lumago paglaon

wala mang lupa sa lungsod, nais naming magtanim
upang makapagpalago ng aming makakain
ito'y isang pamamaraan din ng urban farming
natutunan nang pandemya'y nanalasa sa atin

- gregoriovbituinjr.
02.05.2022

* itinanim ng makatang gala sa opisina ng mga manggagawa sa Lungsod ng Pasig

Sabi ng lola

SABI NG LOLA

sabi ng lola, pangalagaan ang kalikasan
dahil binibigay nito'y buhay sa santinakpan
tulad ng paglitaw ng ulan, ng araw at buwan
tulad ng hamog at ng simoy ng hanging amihan

sabi ng lola, sa paligid ay huwag pabaya
malaking bagay ang punong pananggalang sa baha
kaya kung puputulin ito'y daranas ng sigwa
tara, magtanim ng puno nang tayo'y may mapala

sabi pa ng lola, pabago-bago na ang klima
adaptasyon, mitigasyon, unawain, gawin na
paghandaan ang bagyong matindi kung manalasa
tulungan ang kapwa tao lalo na't nasalanta

sabi ng lola, huwag iwang basura'y nagkalat
nabubulok, di nabubulok, pagbukluring sukat
ang plastik at upos nga'y nagpapadumi sa dagat
ang ganitong pangyayari'y kanino isusumbat

sabi pa ng lola, tagapangalaga ang tao
ng kalikasan, ng nag-iisang tahanang mundo
huwag nating hayaang magisnan ng mga apo
ang pangit na daigdig dahil nagpabaya tayo

- gregoriovbituinjr.
02.05.2022