kami'y aktibista, hindi kami nagbubulakbol
kundi nag-oorganisa, hindi ng mga pulpol
nilalabanan yaong mga namumunong ulol
na pawang paghihirap ang sa masa'y kinulapol
kami'y aktibista, may pagkakaisa sa layon
nais sa pamantasa'y kalidad na edukasyon
sa pabrika'y walang salot na kontraktwalisasyon
binabaka'y paninibasib ng globalisasyon
kami'y aktibista, aktibo, matatag sa laban
upang ipagtanggol karapatan ng mamamayan
ipinaglalaban kung ano ang makatarungan
di pawang galit kundi pag-ibig sa uri't bayan
kami'y aktibista, pangarap ay lipunang pantay
walang pang-aapi, pagkatao'y di niluluray
walang pagsasamantala, sosyalismo ang pakay
patuloy na lalaban, tanghalin man kaming bangkay
kami'y aktibista, lipunan nati'y sinusuri
bakit may mapang-api, bakit may inaaglahi
bakit may dukha, may mayayaman, may naghahari
sadya bang lipunan ay may magkakaibang uri
kami'y aktibista, ang kasaysayan ay inaral
mula sa pantay-pantay na primitibo komunal
umusbong ang lipunang alipin, sunod ay pyudal
sunod ay kapitalismong sa obrero'y sumakal
kami'y aktibista, diwa'y Marxismo Leninismo
niyakap naming prinsipyo'y internasyunalismo
pagkat sa pagbaka'y di sapat ang nasyunalismo
layon ay pagkaisahin ang lahat ng obrero
kami'y aktibista, sa kalaban di padadaig
mapagsamantalang kapitalismo'y malulupig
O, magkaisa, manggagawa sa buong daigdig
at ang bandila ng sosyalismo'y ating itindig
- gregbituinjr.