Linggo, Oktubre 21, 2018

Kumusta kayo, mga kauri, kamanggagawa!

Kumusta kayo, mga kauri, kamanggagawa!
Alam nyo bang manggagawa ang uring pinagpala?
Sila'y imortal, yaman ng lipunan ang nilikha
Ngunit sila pa ang api, sa lipunan kawawa.

Trabaho ng trabaho, talagang kayod-kalabaw
Nasa konstruksyon, pabrika, sa ilalim ng araw
Sa lipunang kapitalismo, sila ang lumitaw
Na katunggali ng kapital na tila balaraw

Sila ang higit na nakararami sa daigdig
Mababang sahod, kontraktwal, madalas walang tinig
Ngunit kung mga manggagawa'y magkakapitbisig
Mababaligtad ang tatsulok, sila'y maririnig.

Manggagawa, di tayo dapat laging mapagtiis
Halina't itayo na ang lipunang ating nais
Sosyalismo'y itatag, kapitalismo'y mawalis
Mabuhay ang uring manggagawang walang kaparis!

- gregbituinjr

si Benjo Basas, ang ating guro, unang nominado

si Benjo Basas, ang ating guro, unang nominado
ng Partido Lakas ng Masa, partylist natin ito
matalino, palaban, sa kanya'y maraming saludo
dapat lang maupo bilang kinatawan sa Kongreso

kakampi ng guro, kakampi ng uring manggagawa
boses ng masa, magsasaka, babae, bata, dukha
pag naupo sa Kongreso, marami ang magagawa
magiging kongresistang magaling sa harap ng madla

unang nominado ng P. L. M. partylist, tandaan
ang magiting nating guro, Benjo Basas ang pangalan
marangal, di basta matitibag sa balitaktakan
subok na sa laban, may matatag na paninindigan

sa mga isyu ng bayan, siya'y marunong, mabilis
maagap tumugon upang masa'y di agad matiris
si Benjo Basas, unang nominado, ang ating boses
kaya ipwesto sa Kongreso ang P. L. M. party list

- gregbituinjr.