Linggo, Agosto 16, 2009

Sabi ng Mananakop: Pumikit at Magdasal

SABI NG MANANAKOP: PUMIKIT AT MAGDASAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sabi ng Kastila, pumikit at magdasal
pagkat ito ang adhika ng haring hangal
nang magmulat ng mata, tayo na'y kolonyal
sinakop tayo ng mga kunwari'y banal

sabi ng Kastila, magdasal at pumikit
habang nakapikit, ang bansa'y ginigipit
sa mga kababayan, Kastila'y kaylupit
at kultura nila ang sa bansa'y inukit

sa pagmulat ng mata, bansa na'y kolonyal
ating mga ninuno'y agad nang nagimbal
sa sariling bansa'y ginawa silang hangal
kaya ang pilipino'y nawalan ng dangal

sabi ng Kastila, magdasal at pumikit
upang pag namatay, tayo'y diretsong langit
habang mga lupa'y unti-unting inumit
at mga katutubo'y nilalait-lait

sabi ng Kastila, magdasal ng taimtim
habang bansa'y dinadala nila sa dilim
at mga dalaga'y kanilang sinisimsim
tulad ni Padre Damasong may pusong itim

at pagmulat uli ng ating mga mata
aba, mga lupa natin ay natangay na
sila na raw ang may-ari, wala nang iba
habang nagdarasal, ginamit ang espada

ang lupa'y inagaw sa mga katutubo
ninakaw nitong mga gahaman sa tubo
inalipin tayo ng mga paring sugo
ng mga mananakop na uhaw sa dugo

ginamit si Kristo upang sakupin tayo
ginamit ang krus upang alipinin tayo
ginamit ang espada't pinaluhod tayo
ginamit ang kultura't hinubaran tayo

lupa't dangal natin, paano ibabalik
dapat ba tayong patuloy na maghimagsik
babaguhin ba ang anumang natititik
anong nasa puso ng bayang humihibik

maraming bayaning buhay ay ibinuwis
sila'y nagsakripisyo'y kanilang tiniis
ang anumang paghihirap, dusa't hinagpis
upang sa mananakop tayo'y makaalis

bahagi na iyan ng ating kasaysayan
na dapat lamang nating pagbalik-aralan
ngayon, ang mahalaga'y ang kasalukuyan
at kung paano babaguhin ang lipunan

magkaisa tayong baguhin ang gobyerno
magkaisa rin tayong tanggalin ang trapo
nasa kamay natin anumang pagbabago
nang makinabang rito ang lahat ng tao

Bansa'y Sinakop, At Di Kinupkop

BANSA'Y SINAKOP, AT DI KINUPKOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
sonetong 7 pantig bawat taludtod

nang dumatal sa bayan
itong mga dayuhan
akala'y kaibigan
iyon pala'y kalaban

nang dumatal sa bansa
itong mga banyaga
sila pala'y masiba
pagkat kinuha'y lupa

nang sa bansa'y dumatal
ang mga dayong hangal
sila pala'y garapal
sa tubo at kapital

itong bansa'y sinakop
at di pala kinupkop

Alay ng Bayani

ALAY NG BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

kayrami ng bayaning nagbuwis ng buhay
mga buhay nila'y di nawalan ng saysay
may saysay lahat ng bayaning nangamatay
namatay silang sarili ang inialay

inialay nila'y para sa sambayanan
sambayanang nagnanais ng kalayaan
kalayaan mula sa kuko ng gahaman
gahamang karapat-dapat lang parusahan

parusahan silang mga nagsamantala
nagsamantala sa kahinaan ng masa
masang ang nais ay kalayaan ng kapwa
kapwang hangad ay tunay na pagkakaisa

pagkakaisa itong susi ng tagumpay
tagumpay na nasa ng nagbuwis ng buhay

Kami ay mga Blogero

KAMI AY MGA BLOGERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

kami ay mga blogero
sulat doon, sulat dito

tipa ng tipa sa keyboard
upang kami'y hindi ma-bored

sa blog namin nilalagak
ang laman ng aming utak

blog ngayon ang aming libro
blog din ang aming kwaderno

hawak ang mouse ay magki-klik
ng anumang natititik

noon, nang wala pa ang blog
kami'y lagi nang lagalag

napapagdikitahan pa
ay pulos alak at droga

noon, sulat lang sa papel
dahil wala pang kompyuter

anumang ilalathala
sa makinilya'y titipa

ngayon ay naitatabi
kahit na walang USB

ang aming mga sulatin
sa blog na nilikha namin

kaya pag kinailangan
computer shop pupuntahan

upang mai-download namin
yaong kakailanganin

kami ay mga blogero
nitong mundong makabago

internet na ang library
na kaylaki na ng silbi

kung ikaw'y mananaliksik
aba'y google yaong i-klik

at lalabas na ang nais
sinaliksik mo'y kaybilis

halina't mag-blog na tayo
sama na't maging blogero

Barbarismo o Sosyalismo?


BARBARISMO O SOSYALISMO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Produkto ng kapitalismo'y barbarismo
At ng sosyalismo'y karapatang pantao
Sa kapitalismo nga'y kayraming barbaro
Na nilalamangan lagi'y masa't obrero

Karapatang pantao'y siyang pangunahin
Sa sistemang sosyalismong ating layunin
Kaya kumilos tayo't dapat nating kamtin
Ang sosyalistang lipunan para sa atin

Sa kapitalismo'y tubo ang moralidad
Sa obrero'y walang paki, que barbaridad!
Kagaguhang ito'y dapat nating ilantad
Bago pa tayo saang kangkungan mapadpad

Una't Ikalawang Daigdigang Digmaan
Gera ng mga bansang makapangyarihan
Sa teritoryo ng mga bansa'y agawan
Sinakop na bansa'y uubusin ang yaman

Milyun-milyon ang namatay dito sa gera
Sa laban ng mga bansang kapitalista
Upang mabuhay ang kanilang ekonomya
Buhay ng masa'y isinakripisyo nila

Produkto ng kapitalismo pati trapo
Na namamayagpag sa lipuna't gobyerno
Ang pulitika't ekonomya'y kontrolado
Kinokontrol na rin pati galit ng tao

Ilang milyon ba ang gutom na mamamayan?
Ilang milyon na ba yaong walang tahanan?
Ilan ba ang kawatan sa pamahalaan?
Bilang sa daliri ang mayamang iilan

Nais ba nating magpatuloy ang ganito?
O hahangarin na natin ang sosyalismo?
Gamit sa produksyon ba'y dapat na pribado?
O palitan ito't gawing sosyalisado?

Nahaharap tayo sa matagal nang hamon
Para tayong nasa lungga ng mga leyon
Naghihintay na tayo'y kanilang malamon
Kaya huwag tumunganga’t tayo’y bumangon

Ganyan ang buhay sa mundo ng barbarismo
Ganyan din sa ilalim ng kapitalismo
Sa tanong na: Barbarismo o Sosyalismo?
Ang kasagutan ay nasa mga kamay mo!

Ah, dapat na nating baguhin ang lipunan
At likhain ang sosyalistang kaayusan
Pangarap na ito'y tunay nating sandigan
Tungo sa pantay-pantay nating kalagayan

Di tayo dapat mabuhay sa barbarismo
Dito'y karapatan ay di nirerespeto
Dapat tayo na'y mabuhay sa sosyalismo
Na ginagalang ang karapatan ng tao