BARBARISMO O SOSYALISMO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
Produkto ng kapitalismo'y barbarismo
At ng sosyalismo'y karapatang pantao
Sa kapitalismo nga'y kayraming barbaro
Na nilalamangan lagi'y masa't obrero
Karapatang pantao'y siyang pangunahin
Sa sistemang sosyalismong ating layunin
Kaya kumilos tayo't dapat nating kamtin
Ang sosyalistang lipunan para sa atin
Sa kapitalismo'y tubo ang moralidad
Sa obrero'y walang paki, que barbaridad!
Kagaguhang ito'y dapat nating ilantad
Bago pa tayo saang kangkungan mapadpad
Una't Ikalawang Daigdigang Digmaan
Gera ng mga bansang makapangyarihan
Sa teritoryo ng mga bansa'y agawan
Sinakop na bansa'y uubusin ang yaman
Milyun-milyon ang namatay dito sa gera
Sa laban ng mga bansang kapitalista
Upang mabuhay ang kanilang ekonomya
Buhay ng masa'y isinakripisyo nila
Produkto ng kapitalismo pati trapo
Na namamayagpag sa lipuna't gobyerno
Ang pulitika't ekonomya'y kontrolado
Kinokontrol na rin pati galit ng tao
Ilang milyon ba ang gutom na mamamayan?
Ilang milyon na ba yaong walang tahanan?
Ilan ba ang kawatan sa pamahalaan?
Bilang sa daliri ang mayamang iilan
Nais ba nating magpatuloy ang ganito?
O hahangarin na natin ang sosyalismo?
Gamit sa produksyon ba'y dapat na pribado?
O palitan ito't gawing sosyalisado?
Nahaharap tayo sa matagal nang hamon
Para tayong nasa lungga ng mga leyon
Naghihintay na tayo'y kanilang malamon
Kaya huwag tumunganga’t tayo’y bumangon
Ganyan ang buhay sa mundo ng barbarismo
Ganyan din sa ilalim ng kapitalismo
Sa tanong na: Barbarismo o Sosyalismo?
Ang kasagutan ay nasa mga kamay mo!
Ah, dapat na nating baguhin ang lipunan
At likhain ang sosyalistang kaayusan
Pangarap na ito'y tunay nating sandigan
Tungo sa pantay-pantay nating kalagayan
Di tayo dapat mabuhay sa barbarismo
Dito'y karapatan ay di nirerespeto
Dapat tayo na'y mabuhay sa sosyalismo
Na ginagalang ang karapatan ng tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento