Linggo, Agosto 16, 2009

Sabi ng Mananakop: Pumikit at Magdasal

SABI NG MANANAKOP: PUMIKIT AT MAGDASAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sabi ng Kastila, pumikit at magdasal
pagkat ito ang adhika ng haring hangal
nang magmulat ng mata, tayo na'y kolonyal
sinakop tayo ng mga kunwari'y banal

sabi ng Kastila, magdasal at pumikit
habang nakapikit, ang bansa'y ginigipit
sa mga kababayan, Kastila'y kaylupit
at kultura nila ang sa bansa'y inukit

sa pagmulat ng mata, bansa na'y kolonyal
ating mga ninuno'y agad nang nagimbal
sa sariling bansa'y ginawa silang hangal
kaya ang pilipino'y nawalan ng dangal

sabi ng Kastila, magdasal at pumikit
upang pag namatay, tayo'y diretsong langit
habang mga lupa'y unti-unting inumit
at mga katutubo'y nilalait-lait

sabi ng Kastila, magdasal ng taimtim
habang bansa'y dinadala nila sa dilim
at mga dalaga'y kanilang sinisimsim
tulad ni Padre Damasong may pusong itim

at pagmulat uli ng ating mga mata
aba, mga lupa natin ay natangay na
sila na raw ang may-ari, wala nang iba
habang nagdarasal, ginamit ang espada

ang lupa'y inagaw sa mga katutubo
ninakaw nitong mga gahaman sa tubo
inalipin tayo ng mga paring sugo
ng mga mananakop na uhaw sa dugo

ginamit si Kristo upang sakupin tayo
ginamit ang krus upang alipinin tayo
ginamit ang espada't pinaluhod tayo
ginamit ang kultura't hinubaran tayo

lupa't dangal natin, paano ibabalik
dapat ba tayong patuloy na maghimagsik
babaguhin ba ang anumang natititik
anong nasa puso ng bayang humihibik

maraming bayaning buhay ay ibinuwis
sila'y nagsakripisyo'y kanilang tiniis
ang anumang paghihirap, dusa't hinagpis
upang sa mananakop tayo'y makaalis

bahagi na iyan ng ating kasaysayan
na dapat lamang nating pagbalik-aralan
ngayon, ang mahalaga'y ang kasalukuyan
at kung paano babaguhin ang lipunan

magkaisa tayong baguhin ang gobyerno
magkaisa rin tayong tanggalin ang trapo
nasa kamay natin anumang pagbabago
nang makinabang rito ang lahat ng tao

Walang komento: