Miyerkules, Setyembre 13, 2023

Hustisya sa batang pinaslang ng ama!

HUSTISYA SA BATANG PINASLANG NG AMA!

karima-rimarim ang ginawa ng isang tatay
sa anak na babaeng binugbog niya't naratay
sa ospital, ilang araw lang, bata na'y namatay
sa balitang iyon, manggagalaiti kang tunay
sariling anak, pinatay! dapat sa kanya'y bitay!

si Catherine Joy o C.J. ay edad pitong taon
kung may kasalanan man, bakit siya ginanoon?
dahil sa sukling di naibigay sa tatay niyon
ay sinaktan ng amang walang anumang hinahon
walang banggit sa ulat kung ama sa droga gumon

tiyak marami pang pangarap ang nasabing bata
subalit ngayon, naglaho na iyong parang bula
di pa nadarakip ang ama, ayon sa balita
sana'y sumuko na siya't panagutan ang sala
HUSTISYA PARA KAY C.J. na kay-agang nawala!

- gregoriovbituinjr.
09.13.2023