Huwebes, Setyembre 10, 2026

Paglalakad

PAGLALAKAD
‎
madalas maglakad ang abang makata
upang saliksikin ang mata ng sigwa
tanong ay bakit ba laging binabaha
di ang mayayaman, kundi api't dukha

‎madalas ngang lakad upang makatipid
‎sa traysikel, trenta pesos kada hatid
‎dalawang kanin na, di na iyon lingid
‎maglakad at laksang paksa pa'y nabatid 
‎
‎kaypayak ng búhay ng tulad kong tibak
‎magtitipid kahit gumapang sa lusak
‎magtipid ay batas lalo't walang limpak
‎maglakad na'y walang katapusang galak
‎
sakali mang baha, mag-ingat sa lepto
habang ang tiwali'y tuligsaing todo
mga ghost flood control nilang pinroyekto
at kinurakot pa, managot na kayo!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.10.2026

Sa MIBF 2026

‎SA MIBF 2026
‎
‎pamilya ko na'y ang mga aklat
‎ito na yata ako magbuhat
‎nang si misis ay mawala't sukat
‎oo, wala na ang lahat-lahat
‎
‎sandigan na'y pawang mga libro
‎at katabi pa sa pagtulog ko
‎payapang diwà, ayaw sa gulo
‎maliban kung rebolusyon ito
‎
‎sa bawat libro'y huwag magtaka
‎kung paborito'y matematika,
‎kasaysayan, lipunan, pisika
‎isyu ng obrero't magsasaka
‎
‎O, aklat ng mga talinghagà
‎dama kong tunay kang mahiwagà
‎sa aking diwà pa'y maalagà
‎sa pagbasa'y tiyak may nilagà
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.10.2026
‎
‎* MIBF - Manila International Book Festival

Nasungabâ

NASUNGABÂ
‎
Galing akong tuklong nang biglang nadapâ.
Sa bilis ng lakad, ako’y nasungabâ.
‎Nag-iisip kasi nang nakatingalâ.
‎Nguso'y nagkasugat, nasa lupa'y mukhâ.
‎
Buksan ang tibuyô ang nasa isipan
Tinawid pa'y tudling doon sa tubigan.
‎Maging maingat ka'y kabilin-bilinan
‎nang di masungabâ sa dinaraanan.

‎Tingnan din ang saknong upang di matisod
‎sa usli't taludtod, magasgas ang tuhod.
Tiyaking umagwat kung mayroong bakod.
Baká sa tubigan, gamit mo'y maanod.
‎
Ingat lagi’t huwag magbakasakali.
Baká masugata'y ilong, noo't labi.
‎Kung masungaba ka’y baka pa mabungi.
Bilin ko sa iyo'y mag-ingat kang lagi.

- gregoriovbituinjr.
09.10.2026

* tuklong - Tagalog sa Kastilang kapilya
* tibuyô - Tagalog sa Kastilang alkansya
* tudling - lupang dinaanan ng araro
* tubigan - bukid (malumay ang bigkas)
* saknong - bahagi ng tubigan
* taludtod - hanay ng pananim