Martes, Hunyo 4, 2024

Pag-aralan ang kasaysayan

PAG-ARALAN ANG KASAYSAYAN

"Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." ~ Gregoria 'Oriang' de Jesus, Lakambini ng Katipunan

ating pag-aralan ang kasaysayan
nang maunawaan ang nakaraan
upang pagkakamali'y maiwasan
upang maayos ang tahaking daan
tungo sa inaasam na lipunan

bagamat minsan ay nakayayamot
pag-aralan ito'y nakababagot

kakabisaduhin ang mga petsa
di alam bakit sasauluhin pa
para lang ba sa subject ay pumasa?
pag nakapasa'y kakalimutan na?

mula sa nakaraan ay matuto
ninuno'y binuo ang bansang ito
at ipinaglaban ang laya nito
laban sa mapagsamantalang dayo
at kapitalistang mapang-abuso
na nang-aapi sa uring obrero

bakit mamamayan ay naghimagsik
laban sa dayuhang ganid at switik
laban sa kaapihang inihasik
ng mananakop na sa tubo'y sabik

bakit nakamit natin ang paglaya
laban sa mananakop na Kastila
laban sa Hapon at Kanong kuhila
laban sa diktador na mapamuksa
laban sa nang-api sa manggagawa
laban sa nagsamantala sa dukha
laban sa nandambong sa ating bansa

halina't aralin ang kasaysayan
ng bayan, ng sistema't ng lipunan
hanggang maitayo sa kalaunan
ang asam na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
06.04.2024

Anong nasa pagitan ng palad at galang-galangan?

ANONG NASA PAGITAN NG PALAD AT GALANG-GALANGAN?

ano bang tawag sa pagitan
ng palad at galang-galangan?
hinahanap kong sadya iyan
upang magamit sa tulaan
para rin sa paglalarawan
ng isport o ng martial art man

matigas na bahagi iyon
dikit sa palad na malambot
pinatatama kasi roon
ang bola ng balibolista
pag kanya nang hinampas iyon
tiyak di palad ang pantira
sa kung fu film napapanood
pantira ay sakong ng palad
kaya di palad na malambot
kundi ang bahaging matigas

gilid ng palad nga'y panagâ
ng karatista at judoka
kung sa boksingero, kamao
iba pag sa balibolista
sakong ng palad ang tatama
hanggang ngayon ay hanap ko pa
sa iba't ibang diksyunaryo
kung isa-isahin talaga
baka nga matanda na ako
ay di ko pa rin nakikita

kaya tulong ang kailangan
ng abang makatang tulad ko
wrist sa ingles, galang-galangan
palm ay palad, at ano naman
ang tawag sa pagitan nila
kung alam mo, sabihan ako
taospusong pasasalamat
agad masasabi sa inyo

- gregoriovbituinjr.
06.04.2024
Pinaghalawan ng litrato:

Dapithapon, dapit-tanghali, dapit-umaga

DAPITHAPON, DAPIT-TANGHALI,  DAPIT-UMAGA

noon pa man, dapithapon na'y batid
at sa kwento't tula na'y nagagamit
oras ng pag-aagawdilim iyon
bandang mag-iikaanim ng hapon

mayroon pa palang dapit-tanghali
oras bago ang ganap na tanghali
bandang alas-onse na iyong sadyâ
sa pananghalian na'y naghahandâ

at nariyan din ang dapit-umaga
o nagbukangliwayway nang talaga
mga salitang ngayon lang napansin
na sa kwento't tula na'y gagamitin

magagandang salitang natagpuan
na dagdag sa kaalaman ng bayan
sino pa bang diyan magpapasikat
bukod sa makata'y ang masang mulat

di namimilosopong masasabi
o salita'y inimbento lang dini
pagkat ito'y nalathalang totoo
sa iginagalang na diksyunaryo

- gregoriovbituinjr.
06.04.2024

* nasaliksik mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 265

Kaawa-awa ang bansang...

KAAWA-AWA ANG BANSANG...
ni Lawrence Ferlinghetti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaawa-awa ang bansang ang mga tao'y tupa,
at inililigaw sila ng kanilang mga pastol.
Kaawa-awa ang bansang ang namumuno'y pawang sinungaling,
na pinatahimik ang kanilang mga pantas,
at kung saan ang mga bulag na alagad ay namumugad sa ere.
Kaawa-awa ang bansang hindi nagsasalita,
maliban sa pagpuri sa mga mananakop at tinuturing na bayani ang  mang-aapi
at nilalayong pamunuan ang daigdig sa pamamagitan ng pwersa't pagpapahirap.
Kaawa-awa ang bansang walang ibang alam kundi ang sariling wika
at walang ibang kalinangan kundi ang kanila lamang.
Kaawa-awa ang bansang ang hinihinga'y salapi
at nahihimbing tulad ng tulog ng mga bundat.
Kaawa-awa ang bansa — ay, kawawa ang mamamayang hinahayaang winawasak ang kanilang karapatan at maanod lang ang kanilang kalayaan.
Aking bayan, ang iyong luha'y kaytamis na lupa ng kalayaan.


PITY THE NATION 
by Lawrence Ferlinghetti

Pity the nation whose people are sheep,
and whose shepherds mislead them.
Pity the nation whose leaders are liars, whose sages are silenced,
and whose bigots haunt the airwaves.
Pity the nation that raises not its voice,
except to praise conquerors and acclaim the bully as hero
and aims to rule the world with force and by torture.
Pity the nation that knows no other language but its own
and no other culture but its own.
Pity the nation whose breath is money
and sleeps the sleep of the too well fed.
Pity the nation — oh, pity the people who allow their rights to erode
and their freedoms to be washed away.
My country, tears of thee, sweet land of liberty.

* Si Lawrence Ferlinghetti (Marso 24, 1919 - Pebrero 22, 2021) ay isang makatang Amerikano, pintor, at kasamang tagapagtatag ng City Lights Booksellers & Publishers.
* Litrato mula sa google

Halik

HALIK

paano daw hagkan ang sinisinta?
idikit ang labi sa labi niya!
inyong pusong magkausap tuwina
at inyong damdamin ang mapagpasya

halik ba'y patungkol lang sa pagdampi
ng labi mo sa anumang bahagi
ng katawan ng iyong sintang mithi
na dama mo'y pag-ibig na masidhi

sa tahanan pag dumating ang mahal
o saang lugar nagtagpo't dumatal
pupupugin ng halik na kaytagal
maging asam ninyong pagsinta'y bawal

O, halik, halika sa aking tabi
ako'y pupugin sa noo ko't pisngi

- gregoriovbituinjr.
06.04.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect