DI TAYO ISINILANG PARA SUMUNOD LANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
di tayo isinilang para sumunod lang
o kaya'y para lang alipinin ninuman
bawat isa sa atin ay may karapatang
ituring na kapwa ng sinumang nilalang
kung sakaling isinilang tayong mahirap
huwag pumayag apihin ng mapagpanggap
magtulungan tayong abutin ang pangarap
na lipunang makatao sa hinaharap
dahil ba isinilang tayong maralita
karapatan na nilang apihin ang dukha?
ituturing pa nila tayong hampaslupa
tayo naman payag apihin ng kuhila
bawat isa'y may kalayaan nang isilang
di para maging alila't tagasunod lang
at kung nabuhay tayong iyan ang dahilan
buhay pala natin ay walang katuturan
di tayo alipin ninuman, tao tayo
kung alipin ang marami sa mundong ito
aba'y kumilos na tungo sa pagbabago
pagkat isinilang tayong malaya dito
kilalanin natin ang ating karapatan
kaya dapat lang matuto tayong lumaban
suriing mabuti ang ating kalagayan
matatantong di natin ito kapalaran