Lunes, Enero 19, 2026

Ang sining

ANG SINING

halina magpatuloy tayong gumawa ng ingay
laban sa mga kurakot na mapanirang tunay
lagi't lagi, sining ng pagtula'y isinasabay
sa bawat rali, nang kurakot sa hukay ilagay

kumilos tayo! huwag magpakulong sa tahanan!
magalit tayo! kurakot ay singilin ng bayan!
lumabas tayo! karapatan nati'y ipaglaban!
maningil tayo! parusahan ang mga kawatan!

ang sining ay di lang upang aliwin ang sarili
kundi ito'y isa sa palagi nating kakampi
sa paglikha ng kasaysayan, tagos ang mensahe
sa sambayanang kaytagal nang nagdurusa't api

baguhin na ang sistema! hiyaw ng taumbayan!
buwagin na ang sistema! sigaw ng sambayanan!
lahat ng mga kurakot ay dapat parusahan!
ikulong na 'yang mga kurakot! sigaw ng bayan!

- gregoriovbituinjr.
01.19.2026

Seremonyas

SEREMONYAS

kadalasan, bago umalis ng umaga
may seremonyas ng pagtulâ sa kusina;
makakain, nakatha'y agad ititipa
at sa ere iyon ay palulutangin na

maliligo, pag may nanilay at nawatas
may seremonyas ng pagtulâ sa kasilyas
habang nadarama'y kaysarap mailabas
ng naisip, naligo, nagbanlaw, nagpunas

pag nakagayak na'y lalabas ng tahanan
lalakarin ang kilo-kilometrong daan;
may seremonyas ng pagtulâ sa lansangan
alisto nang di madapa't masagasaan

mag-ingat pagkat baka may bukas na manhole
mahirap nang mabalian at magkabukol;
may seremonyas ng pagtulâ ng pagtutol
laban sa mga kurakot sa ghost flood control

- gregoriovbituinjr.
01.19.2026