Miyerkules, Hulyo 20, 2011

Nagkataon lang itim ang kulay ng pusa

NAGKATAON LANG ITIM ANG KULAY NG PUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano naging malas ang pusang itim na iyan?
gayong siya'y isinilang na ang kulay na'y ganyan
hindi ba't kaitiman niya'y nagkataon lamang?
oo nga't itim siya, dapat na bang katakutan?

marami namang pusang naaalagaang tunay
ngunit kaibahan niya'y itim ang kanyang kulay
kulay lang ito, paano naging nakamamatay?
paano kung itim ay tao, ah, tayo'y magnilay

pusang itim ba sa kapalaran mo'y mapagpasya?
o siya'y tandang mag-ingat ka't baka masakuna?
na para bang kung saan ay biglang lilitaw siya?
at sa bantang panganib ay paalalahanan ka?

pinalaki ba tayong masama ang kulay itim?
ang maputi'y maganda na't ang itim na'y malagim?
bakit kayraming mapuputing sa yaman ay sakim?
bakit may tisay na ugali'y nakaririmarim?

hindi porke't kulay itim, sa sama na ang tungo
dahil maraming maitim na busilak ang puso
maganda rin ang itim lalo't buhok mo'y ginugo
huwag lang sanang itim ang mga buto mo't dugo

pusang itim nga ba o pusong itim yaong malas
pusong itim na taksil sa kapwa, tulad ni Hudas
ang pusong sa karapatan ng kapwa'y umuutas
sakim, sukab, lilo, tiwali, mga talipandas

Walang komento: