Sabado, Oktubre 19, 2024

Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

DALAWANG TULA
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

I.

Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan.

Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iyong kamay, isang ibong mandaragit ang iyong ngiti, at isang namulaklak na punongkahoy ang iyong puso. At doon, kasama mo, sa ilalim ng lilim ng iyong punongkahoy, ay wawasakin ko ang tolda ng aking pagkaulila at itatayo ang aking tahanan.

- mula sa Kushtban

II.

Isang mapagbigay na kaibigan ang gabi. Lahat ng bagay ay niluwagan ang kanilang mga baging sa rabaw ng aking ulo. Nakaupo sa palibot ko ang aking mga minamahal na para bang nasa isang piging. Ang mga minamahal kong nawala na. Ang mga minamahal kong narito pa, at mga minamahal pang darating. At ang kamatayan ay asong bantay na nakatanikala sa tarangkahan. Tanging ang hangin ni Khamaseen lamang ang galit na humahampas sa pintuan. Si Khamaseen ay isang kasuklam-suklam na kapitbahay; naglagay ako ng bakod sa pagitan namin, pinatay ang mga ilaw sa aming pagitan.

Masaya ako, umaawit tulad ng isang baras ng ephedra, sumisigaw tulad ng isang mandaragit.

Huwag pamiwalaan ang aking mga salita. Huwag abutin ang mga baging sa karimlan. Ang gabi ay isang kasunduan ng mga lagim. Sampung ibon ang natutulog sa puno, subalit ang isa'y balisang paikot-ikot sa bahay. At tulad ng alam mo, sapat na ang isang ibon upang sirain ang isang buong piging, isang mitsa upang masunog ang isang kabihasnan.

Malamig ang pagkain. Pagkatapos ay nagmumog ako kasama si Khamaseen, at hinugasan ang aking mga kamay gamit ang kusot.

Kung mayroon mang silbi ang pagluha, marahil ay luluha ako sa harap ninyong lahat. Subalit ang pagluha'y nangangailangan ng higit na lakas kaysa sa taglay natin, kaya aawit ako para sa inyo tulad ng malambot na hanging Saba, aawit ako sa katutubong wika ng tangkay ng murang basil: ang gabi ay bato ng amber. Ang gabi'y isang kasunduang kamangha-mangha.

- mula sa Alanda (Ephedra)

10.19.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Walang komento: