Huwebes, Oktubre 15, 2020

Ang payo ng kampyong si Triple G

"Sometimes the only person that can see your goal is you. Stay focused and you will achieve it. You, yes you, you can do it too. Hard work pays off." ~ world middleweight boxing champion Gennady G. Golovkin

bilin ng isang magaling na boksingerong kampyon
minsan ang tanging makakakita ng iyong layon
ay ikaw lang mismo, kaya isipan mo'y ituon
upang mapagtagumpayan mo ang anumang hamon

isang magandang payo ni Gennadiy G. Golovkin
sa anumang larangan ay pagsikapan at sundin
minsan walang ibang tutulong kundi sarili rin
kaya kung di ka magsisikap ay walang kakamtin

pumokus ka sa iyong inaasam na larangan
ito man ay sa palakasan, agham, o sipnayan
bawat larang ay aralin at iyong pagsikapan
upang matamo ang tagumpay o inaasahan

mapipigil mo ang takot na namahay sa dibdib
malalagpasan mo ang lungkot sa malayong liblib
makakalabas ka rin sa pinaglunggaang yungib
matitigpas mo ang ulo ng sawang nanibasib

iyan ang isang payong magaling para sa masa
lalo sa tulad kong isang makata't aktibista
sa pagbaka't pagkamit ng panlipunang hustisya
sa panawagang baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.

Walang komento: