Biyernes, Oktubre 9, 2020

Pakikipaghamok sa dilim

umuulan, tipak ng bato'y bumagsak sa dibdib
tila ako'y nasa gitna ng madilim na yungib
mga halimaw ay anong bangis kung manibasib
habang inihanda na ang sarili sa panganib

naagnas ang katawan sa dulo ng bahaghari
laksa-laksang tahanan ang tila ba nangayupi
nais kong makaalpas subalit may pasubali
gapiin ang mga halimaw upang di masawi

nadarama kong tila sinusuyo ng kadimlan
patuloy na sinusubok ang aking katatagan
di nila batid na ako'y insurektong palaban
na di payag na pasistang insekto'y makalamang

tinangka ng mga halimaw na ako'y gapiin
kaya pinaghusayan ko ang eskrimahan namin
ayokong basta pagahis upang di alipinin
at patuloy ang labang tila buhawi sa bangin

umuulan, bumagsak sa dibdib ay iniinda
habang nakikipagtunggali sa sabanang putla
pumulandit ang dugong nagkasya sa sampung timba
naghingalo ang halimaw na ngayo'y hinang-hina

- gregoriovbituinjr.

Walang komento: