Huwebes, Abril 14, 2016

Kung ano ang itinanim

KUNG ANO ANG ITINANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kung ano ang itinanim, siya ring aanihin
kasabihang Pilipino at pangmagsasaka rin
kung anong ginawa sa kapwa'y siya ring gagawin
kumbaga'y ito ang "Golden Rule" o gintong tuntunin
na gabay-paalala sa bawat isa sa atin

kung halimbawang pinya'y tinanim ng magsasaka
hindi ito magbubunga ng santol kundi pinya
kung palay ang iyong tanim, palay ang ibubunga
magiging bigas, pag iniluto'y kanin sa mesa
kumbaga'y ito ang Gintong Palay para sa masa

kaya sa mga magsasakang kasama sa lakad
nagkakaisa tayo sa ating layon at hangad
upang sa bayan bulok na sistema'y mailantad
ipinaglalaban ng magsasaka ang dignidad
para sa kinabukasan ng pamilya't pag-unlad

itinatanim natin ngayon ay mga prinsipyo
simulain, adhikain, para sa bansang ito
at maitatag ang isang lipunang makatao
para sa magsasaka, kalikasan, at obrero
para sa hustisya't karapatan ng kapwa tao

- sinulat sa tapat ng Liceo de Los Baños (dating Immaculate Academy) na aming tinigilan ng gabi, Abril 14, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Walang komento: