PAGHAHANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
marami na silang nangawala
at hindi na nakita ang kanilang anino
ni ang kanilang katawan
silang mga nangawalang
sadyang may paninindigan
sadyang may ipinaglalaban
para sa pagbabago ng lipunan
ngunit sila'y nasaan
ilang araw na, linggo, buwan
at taon na ang pawang nagdaan
ang ipinaghintay ng kanilang magulang,
asawa, mga anak, mga mahal sa buhay
ngunit hindi pa rin sila nagbabalik
ni walang makapagturo
kung saan sila naroroon
paano ba sila nabuhay
tiyak may aral yaong taglay
na siya kong naging gabay
sa mga tulad naming anak ni inay
paano ba dapat mamatay
paano kung ako'y matulad din
sa kanilang kahabag-habag na sinapit
silang may dakilang layunin
para sa katubusan ng masa
mula sa kuko ng mapagsamantala
paano ba dapat maghanda
paano ba dapat ihanda ang damdamin
ng mga mahal sa buhay
kung sakaling isa ay mawala
ako, ikaw, o siya
kung sakaling kahit bangkay ma'y
ibinaon na't hindi na makita
hindi ko aatrasan ang prinsipyong
naging gabay ng aking pagkatao
kaya marapat lang ihanda ko na
ang aking sarili sa pakikipagtuos
kay Kamatayan ng wala sa panahon
mamamatay ang aking katawan
ngunit tinitiyak kong
mapaslang man ako'y
hindi nila mapapaslang
ang tangan kong prinsipyo
at ang mga hinabi kong tula
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento