ANG DIWATA SA KAGUBATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
naroon akong sinasamba ang kariktan
ng kayrikit na diwata sa kagubatan
di matutulog ang gabi ng panagimpan
hangga't alindog niya'y di nasisilayan
payak man ang ngiti't mapupungay ang mata
kapayakan niya ang nakahahalina
iwing puso'y umiindayog sa nadama
pagkat mutya siyang aking dinadambana
sino akong sasamba sa kariktang yaon
kundi makatang sa gubat naglilimayon
at humahabi ng salitang suson-suson
upang mapasaya ang babasa paglaon
ako'y lupa lamang na sinasamba'y langit
na sinasatitik yaong sa puso'y awit
usad ng panitik alay sa mutyang kayrikit
handog sa kanya bawat nakakathang dalit
nawa'y bigyang-pansin ng mutyang sinusuyo
ang damdaming itong di sana masiphayo
lumigaya kahit saglit ang iwing puso
sa panagimpan man lang, di ako mabigo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento