Lunes, Abril 18, 2016

Repormang agraryo laban sa kapitalismo

REPORMANG AGRARYO LABAN SA KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hindi lamang bukal ng pagkain at kabuhayan
ng magbubukid ang lupang kanilang binubungkal
ito'y bukal ng kultura nila't kinabukasan
mga pangarap nila'y dito nabuo't kumintal

kaya kung lupa nila sa dayuhan ibinenta
tatayuan ng komersyo at mga industriya
nawalan na ng lupa, saan na sila pupunta
gayong mula't sapul ay nabuhay sa pagsasaka

sa kapitalismo, balewala ang karapatan
klasipikasyon ng lupa'y tiyak nang papalitan
alang-alang sa tubo ng mga mamumuhunan
ang lupaing agrikultural ay di na sakahan

dati'y palayan, pag-aari na ng korporasyon
magbubukid ay nawalan ng karapatan doon
kaya ipinaglalaban ng magsasaka ngayon
ay ang repormang agraryong may natatanging layon

layunin ng repormang maayos na matugunan
ang hindi makatarungang ugnayan sa pagitan
ng panginoong maylupa't magsasaka kung saan
pagsasamantala'y di na iiral nang tuluyan

ngunit kapitalismo ang sistemang umiiral
na tanging tubo lamang ang nais sa magbubungkal
nasaan ang dignidad kung ganito ang nakakintal
lalo na't lupa'y inuri na bilang industriyal

kung sinong nagbubungkal ay silang naghihikahos
masipag na magsasaka'y para pa ring busabos
magsasaka'y dapat lang maghanda sa pagtutuos
laban sa kapitalismong tunay ngang mapang-ulos

ang lupa'y buhay, aralin ang repormang agraryo
di na ito dapat ariin pa ng asendero
ang kontrol ng magsasaka sa lupa'y ipanalo
dapat pa bang sa rebolusyon makakamit ito?

- sinulat sa mahabang pamamahinga sa loob ng Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran (na kilala ring Baclaran church), Abril 18, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Walang komento: