SA SISNE NG PANGINAY
(Alay kay Gat Francisco Balagtas)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(12 pantig bawat taludtod)
I
Maraming salamat sa iyo, Balagtas
Sa matalinghagang Florante at Laura
Sa pagbasa nito, dibdib ko’y nagningas
Nag-alab sa aral ng bunying makata.
Mga salita mo’y nagtitila lunas
Sa puso ko’t diwang dinilig ng dusa
Na pawang dinulot sa bayang dinahas
Ng mga pinunong naghudas sa masa.
Malayu-layo na itong nababagtas
Ng iyong panganay na obra-maestra
Ang mga salita’y kagila-gilalas
Sa tulad kong munting manunulang aba.
Ang akda mo’y parang kaysarap na ubas
Kaysarap namnamin at sadyang malasa
Malalim na diwa’y aking nakakatas
Habang patuloy pa itong namumunga.
Ngunit pag akda mo’y nabasa ng hudas
Sa mahal na bayang hitik sa problema
Tiyak madudurog ang diwang marahas
Pagkat humihibik ng bagong sistema.
Sadyang bayani ka sa amin, Balagtas
Ikaw ay huwaran ng bagong makata
Di ka malilimot ng bayan kong wagas
Di ka mamamatay sa literatura.
Panitikan itong kayganda ng bakas
Tumatak na sa’ming puso’t kaluluwa
Marapat nga muling ialay sa bukas
Ang obra-maestrang Florante at Laura.
II
Abang manunula’y nagbibigay-pugay
Sa tinaguriang sisne ng Panginay
Ang iyong pamana’y may birtud na taglay
Sa mga tula kong laging nilalamay.
Yaong talinghagang iyong inihasik
Sa bukid ng diwa’y lumagong tahimik
Binunga’y kaysarap at kasabik-sabik
Sa makatang itong taga-Balic-Balic.
Sampaloc, Maynila
Agosto 4, 2008
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento